Limang taon nang nakaratay sa kaniyang kama ang isang 23-anyos na lalaki matapos siyang maaksidente sa motorsiklo sa Maramag, Bukidnon. Ang kaniyang mga binti at paa, lumobo, nagkulay talong, at tila nabubulok. Ano kaya ang sanhi nito at may pag-asa pa kaya siyang makalakad muli?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Mark John Banalo, na mahilig talaga siyang magmotor na regalo ng kaniyang ama.
Disyembre 2019 nang magkayayaan sina Mark John at ang isa nitong kaibigan na magmotor. Ngunit sa kasamaang-palad, nasalpok sila ng truck.
Nabali ang mga paa ni Mark John, nagkaroon siya ng blood clot at tatlong araw na nawalan ng alaala.
Nilagyan ng bakal ang kaniyang mga binti at inoperahan din siya sa ulo. Bagaman nagbalik ang kaniyang alaala, ngunit hindi na ang kaniyang kakayahan na makatayo.
“Sobrang hirap. Naalala ko po noong nakakalakad pa ako, nakakaupo pa ako. Kung hindi lang sana ako naging ganito,” sabi ni Mark John, na madalas namamanhid ang mga binti at paa kaya hindi niya na nagagawa maging mga simpleng bagay.
Sa ngayon, ang kapatid ni Mark John na si Jeboy ang mga nagsisilbi niyang “paa,” na tumutulong para siya makaligo at malinis ang mga sugat sa binti at paa.
“Naaawa ako kay kuya kasi hindi na siya makapaglakad,” sabi ni Jeboy.
Dating inaalagaan si Mark John ng kaniyang amang si Edgar, ngunit kailangan nitong magtrabaho para sa kanilang makakain.
Si Jeboy naman, tinanggap ang responsibilidad kahit na may iniinda rin itong sakit na epilepsy, matapos mabagok ang ulo noong bata pa.
“Sobrang hirap. Gusto ko pang makatayo, makalakad at makapagtrabaho para makatulong sa pamilya,” sabi ni Mark John, na hindi nawawalan ng pag-asa na gagaling siya.
Sa tulong ng LGU, napakonsulta si Mark John noong nakaraang taon. Gayunman, hindi raw ito naging regular na dapat niyang ginagawa.
Sinamahan muli ng KMJS team si Mark John upang maipatingin sa ospital at alamin kung ano ang dahilan ng pamamaga ng kaniyang mga binti.
Dito na natuklasan na mayroon siyang impeksyon o septicemia o sepsis. Mabuti na lamang umano na naagapan ito nang madala siya sa ospital.
Upang maibsan ang impeksyon, posibleng alisin umano ang bakal sa kaniyang tuhod. Sa ngayon, hindi naman umano kailangang putulan ng mga paa si Mark John, ayon sa duktor na tumingin sa kaniya.
Pero may pag-asa pa kayang malakad muli si Mark John? Tunghayan sa video ng KMJS ang buong kuwento. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News