Ang dating tahimik na pamumuhay sa mala-paraisong isla ng Marihangin sa Balabac, Palawan, ng mga katutubo mula sa tribung Moldog, biglang nabulabog nang dumating ang isang grupo ng mga armadong lalaki na nais umano silang paalisin. Ang isla raw kasi, nabili na at gagamitin sa turismo ng isang malaking kompanya.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita sa video na nangyari nito lang nakaraang buwan ang tensiyonadong paghaharap ng mga residente sa isla at mga dayuhang armadong lalaki na my mga takip sa mukha.
Ilang putok ng baril ang madidinig sa video, na sa kabutihang-palad ay walang buhay na nasayang.
Pero ilang residente umano ang pinagbantaan at tinutukan ng baril ng mga armadong lalaki.
Ang mga armadong lalaki, misyon daw na mapaalis sa isla ang mga naninirahan doon na mga katutubo dahil nabili na umano ng pribadong malaking kompanya ang isla.
Gagamitin umano ang isla na may mapuputi at pinong buhangin para sa eco-tourism.
Bagaman walang armas, hindi nagpadala sa takot ang mga residente. Hanggang sa ang mga armado, pumasok sa loob ng gubat.
Pero matapos ang ilang oras na pagtatago sa loob ng gubat ng isla, umalis din ng isla ang mga armadong lalaki nang dumating na ang mga pulis mula sa mainland.
Pero dismayado ang mga katutubo dahil inabot ng limang oras bago sila napuntahan ng mga pulis.
Ang isla ng Marihangin ay may lawak na 38 hektarya, na tahanan ng nasa 1,000 miyembro ng tribung Molbog.
Nasa dagat ang ikinabubuhay ng mga residente sa isla katulad ng pagtatanim ng seaweed o agar-agar.
Noon pa raw, marami na umano ang nagkakainteres sa isla dahil sa taglay nitong ganda. Pero ang isla, hindi raw ipinagbibili ng mga katutubo at nakatitulo umano ito sa kanilang mga ninuno.
Kaya ipinagtataka ng residente na si Jomly Callon, kung papaano nagawang mabili umano ng pribadong kompanya ang kanilang isla.
Imposible rin daw na iwan ng mga residente ang isla dahil dito nakalibing ang kanilang mga ninuno at mga mahal sa buhay.
"Sinasabi nila sila daw ay may titulo dahil 'yon po ang kinikilala ng batas. Ang sa amin lang naman kilalanin din ang karapatan namin dahil mula pa ng time ng ninuno namin nandyan na sila [sa isla]," ayon kay Callon.
Nagbigay na ng pahayag ang San Miguel Corporation para pabulaanan ang alegasyon na may kaugnayan sila sa mga armadong lalaki na nanggulo sa isla. Narito ang kanilang naging pahayag:
"San Miguel Corporation (SMC) denies any involvement in the recent incident on Mariang Hangin Island, where it was alleged that uniformed security guards indiscriminately fired guns.
"SMC has no connection with those involved in the incident, nor does it own any property in Mariang Hangin for future development.
"As a responsible corporate citizen, we uphold the highest standards of ethical conduct and community engagement in all our operations. Resorting to violence or coercion is against our policies and values.
"We remain committed to supporting sustainable and inclusive development, respecting the rights and welfare of local communities."
Sino nga ba ang tunay na may-ari ng isla at papaano ito nabili ng isang pribadong kompanya? May laban kaya ang mga katutubo pagdating sa usapin ng batas kapag isang malaking kompanya ang kanilang kalaban? Panoorin sa video ang buong kuwento. —FRJ/NB, GMA Integrated News