Sa nakalipas na ilang linggo, sa 14 na magkakahiwalay na pagkakataon, umabot na sa 91 bloke ng shabu ang "nabingwit" ng mga mangingisda sa iba't ibang bahagi ng karagatan ng Ilocos Sur na umaabot na ang halaga sa mahigit P600 milyon. Saan nga ba nanggaling ang ilegal na droga?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng ilang mangingisda sa lalawigan kung papaano nila nakuha ang lumulutang na ilegal na droga na nakita sa magkakaibang pagkakataon sa karagatan na bahagi ng pitong bayan.
Ayon kay Christopher, limang oras na silang nangingisda ng kaniyang grupo noong June 24 sa karagatang bahagi ng San Juan pero wala silang huli. Pero habang pauwi na, nakita nila ang nakalutang na sako.
May laman ito na mga tila parcel o bloke na 24 na piraso na may nakasulat na A168 at may mga Chinese marking. Naghinala sila na droga ang laman ng napulot nila sa dagat kaya isinuko nila sa mga awtoridad.
Nang suriin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang laman ng napulot ng grupo ni Christopher, kumpirmadong shabu ito na may street value na nagkakahalaga ng P162 milyon.
Dahil sa ginawang pagsuko nina Christopher sa droga, nakatanggap sila ng reward na P120,000 mula sa PDEA bukod pa sa tig-P50,000 na galing sa provincial government.
Matapos nito, 20 pang bloke ng shabu ang nabingwit naman sa dagat sa bahagi ng Magsingal ng mangingisdang si Rommel.
"Akala ko po pera o pagkain. Hindi na namin binuksan. Nilagay ko sa bangka. Tapos diretso kami nangisda," kuwento niya.
Nang makita niyang kaduda-duda ang laman ng kaniyang napulot, isinuko niya rin ito at nakatanggap din siya ng pabuya.
Ang mangingisda na si Edgardo na nakapulot din ng 18 bloke ng shabu sa dagat, aminadong nagkaroon ng interes noong una na ibenta ang droga.
"Mahirap lang kami talaga. Ang una kong naisip talaga itago ko pagkatapos ibebenta ko. Pagkatapos kapag maibenta ko 'to ay yayaman ako," kuwento niya.
Pero sa huli, napagtanto ni Edgardo na mahihirapan siyang ipaliwanag kung papaano siya biglang yumaman kaya nagpasya na lang siyang isuko ang droga pag-uwi niya. Dahil sa kaniyang ginawa, nakatanggap din siya ng pabuya na malaking tulong sa kaniya.
Pero saan nga kaya galing ang ilegal na droga?
"Isa na tinitingnan natin is galing sa mother ship. Itinapon doon sa baybayin ng West Philippine Sea para may kukuha doon na ka-contact ng nagbebenta ng droga. Kasi observation ng ating mga Philippine Coast Guard, dahil sa water current at dahil sa ihip ng hangin, dito napunta sa banda ng Ilocos," ayon kay Ilocos Sur Police Provincial Director Police Colonel Darnell Dulnuan.
Ngunit malabo raw na sa Ilocos talaga ang sadyang ibabagsak ang ilegal na droga.
Isinailalim na rin sa pag-aanalisa ang mga sulat na nakalagay sa mga pakete, pati na ang ilang Chinese characters.
"Ayon sa PDEA, 'yung Cai Yun means luck in making money. Tapos naman 'yung Cai Li, 'pag paghiwa-hiwalayin mo, bride price. 'Yung A168 na 'yan is probably 'yung batch number ng pagkagawa n'yan. Or 'yan 'yung ginagamit na numero kung sino 'yung mga nag-produce n'yan. kahit nakikita natin na may Chinese markings, hindi siya definitive na galing China ito," ayon sa opisyal.
Nagpaalala naman ang pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Sur sa kanilang mga kababayan na huwag na sadyang maghahanap ng mga lumulutang na ilegal na droga para makakuha ng reward dahil mapanganib ito.
"Kung ito ang sadyain ninyo para maghanap doon sa gitna ng dagat, don't do it, it's very risky and very dangerous. I think in the history of northern Luzon or Region 1, this is the biggest recovery of shabu," sabi ni Province of Ilocos Sur Board Member Efren Rambo Rafanan.
"Hindi dito sa Ilocos Sur nakuha, ha. Taga-Ilocos Sur fishermen ang nakakuha sa West Philippine Sea. We are very thankful, we are blessed with very honest Ilocos Sur fishermen," dagdag niya.
Dahil hindi alam kung saan nanggaling at walang makakasuhan, inihahanda na susunugin ang mga napulot na shabu sa dagat. —FRJ, GMA Integrated News