Isang doktor ang nagbahagi ng isang video sa Tiktok tungkol sa isa niyang pasyente na hindi agad maiunat ang mga daliri, na senyales din pala ng diabetes na tinatawag na “trigger finger.”
“Kasi usually sa diabetes, mataas talaga ‘yung sugar, lalo na ‘yung mga poorly controlled. So ‘yung asukal na ‘yun, nagiging sanhi ng pamamaga ng iba't ibang bahagi ng katawan at kasama na dito yung mga litid especially sa mga kamay at sa mga paa,” paliwanag ng endocrinologist na si Dr. Mia Fojas tungkol sa “trigger finger” sa panayam ng programang “Dapat Alam Mo!”
Dagdag ni Fojas, nakaaapekto rin ang sakit sa tendon sheath o tila mga sinturon na naka-angkla sa litid para umayos ang galaw.
Ayon kay Fojas, ang “trigger finger” ay madalas na huling nangyayari sa 20 porsyento ng mga diabetikong nakasalalay na sa lab control ang sugar.
Madalas din na mga kababaihang may edad na at mga matagal nang may diabetes ang nakararanas nito, at posibleng apektado ang dalawang kamay.
Pagdating naman sa mga kalalakihan na may diabetes, paninigarilyo at katandaan, mas madalas ang Dupuytren's contracture, at madalas naaapektuhan ang fourth at fifth digits.
Bukod dito, madalas ding nararanasan ng mga may diabetes ang carpal tunnel syndrome, na natutukoy sa pamamagitan ng Phalen's Test.
Tunghayan sa video ng Dapat Alam Mo! at alamin ang ilan sa mga test sa posisyon ng kamay para matukoy kung may senyales na ng diabetes. Panoorin. --FRJ,GMA Integrated News