Walang malay ang driver at dalawang pasahero ng isang sasakyan na natagpuan bandang ala una ng hapon noon Sabado sa Sampaloc Road sakop ng Sitio Bayucan sa Tanay, Rizal.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras Weekend ngayong Linggo, nagresponde ang Tanay Police at ang MDRRMO at inilabas ng sasakyan ang tatlo at isinugod sa ospital, kung saang idineklarang dead on arrival ang driver.
"Base sa investigation ng ating investigator, wala namang nakitang sugat 'yung driver," ani Tanay chief of police Police Colonel Norman Cas-oy.
Walang matinding pinsala sa sasakyan, maliban sa mga naiwang marka sa gulong at gilid nito resulta ng pagsadsad sa gutter.
Batay sa imbestigasyon ng police, posibleng inatake ang driver habang nagmamaneho.
"According sa interview namin with the misis or wife of the driver...'yung driver na namatay ay may sakit na diabetes. During the time na nangyari yung incident, nakaramdam ng sakit....Naibangga niya sa gutter ng kalye ang kanilang sasakyan," ani Cas-oy.
Pero bakit naman wala ring malay ang dalawang pasahero?
"Wala namang sugat 'yung dalawang passenger. Pero hinimatay siguro sila sa biglaang insidente, ninerbyos siguro sila," sabi ni Cas-oy.
Nakauwi na ang dalawang pasaherong nahimatay. Ang nasawing driver naman, nasa punerarya pa.
Ayon sa Tanay Police, galing sa Cavite ang mga biktima. Magro-road trip sana sila sa Marilaque Road at kakain sa restaurant na may overlooking view.
Ayon sa Barangay Sampaloc, accident-prone ang bahagi ng kalsada sa Sitio Bayucan. Matatalim ang mga kurbada kaya kapag hindi kabisado ng driver, posibleng maaksidente ang motorista. — BM, GMA Integrated News