Namilipit sa sakit ang isang babae nang hindi na niya maalis ang kaniyang wedding ring sa kaniyang daliri dahil nadagdagan ang kaniyang timbang. Ano nga ba ang maaaring mangyari sa daliri kapag hindi natanggal ang singsing, at ano ang mga paraan para matanggal ang ito? Alamin.
Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ni Kareeza Yara-Tullo, na makakalimutin siya kaya hindi na niya hinuhubad ang singsing sa kaniyang daliri para hindi mawala.
Pero makalipas ang mahigit dalawang taon, napansin ni Tullo na tila sumikip na ang singsing at tila nag-iba na ang kulay ng kaniyang daliri.
“Medyo nag-violet na siya nang konti so sabi ko parang iba na siya kaya kainakailangan na talaga siyang tanggalin,” sabi ni Tullo.
Nang subukan niya itong tanggalin kasama ang kaniyang asawa at kaibigan, dito na siya napasigaw sa sakit dahil hindi nila matanggal ang singsing.
Paliwanag ng general physician na si Dr. Bianca Mendoza, kapag na-stuck ang singsing sa daliri, nagsisilbi ito tilang "tourniquet" o pang-ipit na pipigil sa daloy ng dugo sa daliri.
Maaari itong magresulta sa traumatic injury gaya ng fracture sa buto sa daliri. Posible pa itong lumala at humantong sa pagputol sa daliri.
“Kapag mas tumagal pa iyon na walang blood flow, puwede pong mamatay ‘yung vessels sa daliri," paliwanag ng duktor. "Ang puwede po, ang tendency po nito, kailangan po i-amputate o putulin. Siguro within hours, puwede pong mamatay ‘yung vessels sa daliri.”
Payo ni Mendoza, nakatutulong ang paggamit ng mga pampadulas gaya ng mga lubricant o baby oil, o mga tali gaya ng ribbon o floss para matanggal ang singsing.
Ngunit kung hindi pa rin gumana ang mga nabanggit na pamamaraan, kailangan nang sirain ang singsing. Gayunman, may panganib din itong panganib dahil maaaring matamaan o masugatan ang balat.
Tunghayan ang buong kuwento at alamin kung anong paraan ang ginawa sa daliri ni Tullo para maalis ang singsing. Panoorin sa video.-- FRJ, GMA Integrated News