Isa ang Mount Kanlaon sa Negros Island sa mga bulkan sa bansa na aktibo o sumasabog. Sa muling pag-alburoto nito kamakailan lang, nanumbalik ang mapait na alaala ng isang ginang na nawalan ng anak nang pumutok ang bulkan noong 1996.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing ang Mount Kanlaon ang ikatlo sa pinakaaktibong bulkan sa bansa, na sumunod sa Mount Mayon sa Bicol at Mount Taal sa Batangas.
Ang pagsabog ng Mt. Kanlaon ay unang naitala noong 1866. At sa paglipas ng mga taon, nakapagtala ito ng mga mahihinang pagsabog.
May tatlong pagputok din ang bulkan na nagkataong nangyari sa magkakaparehong petsa na June 3, na nangyari noong 2003, 2006 at ngayong 2024.
Pero dahil sa ganda ng kapaligiran ng bulkan kapag payapa ito, sa kabila ng panganib, marami pa rin ang umaakyat hanggang sa bahagi ng bunganga ng bulkan.
At noong Agosto 10, 1996, naganap ang posibleng isa sa pinakamalagim na pagputok ng Mt. Kanlaon, dahil nataon na mayroong mga mountaineer tuktok ng bulkan at tatlo ang nasawi.
Ayon kay Joan Nathaniel F. Gerangaya, officer in charge ng PENRO Negros Occidental, nasawi sa naturang pagsabog ang isang British at dalawang Pinoy, na kabilang sa 20 katao na umakyat sa bulkan.
Sugatan naman ang 10 Belgian, anim na Pilipino at isa pang British.
Kabilang sa mga pumanaw si Neil Perez, dating presidente ng Negros Mountaineering Club Inc.
Kuwento ni Amelia Perez, ina ni Neil, ang kapatid nito ang naghatid ng masamang balita sa kaniya nang pagputok ng Mount Kanlaon noong 1996.
Ibinahagi ni nany Amelia ang mga larawan nang makarating sina Neil sa rainforest sa Kanlaon, at maging ang aktuwal na pagputok nito.
“Tinamaan na sila ng mga bato na bumabaga. ‘Yan ang worst na siguro na ikinamatay niya,” sabi ni Amelia.
“Gusto mo na nandoon ka, ma-comfort mo siya, ma-feel mo kung ano ang kaniyang fini-feel, malaman mo ano ang gusto niya. Pero wala eh,” sabi ni Lola Amelia.
Ipinakita pa ni Lola Amelia ang ginamit na bag ni Neil noong huling akyat nila sa Kanlaon.
Hindi naman naitago ng Lola ang kaniyang galit sa bulkan dahil sa pagpanaw ng anak.
“Kada pagsakay ko ng jeep, siyempre [makita] mo ‘yung Kanlaon. Talaga, I hate the Kanlaon. Sabi ko sa sarili ko, ‘I hate you. Kasi kung hindi sa ‘yo hindi namatay ang anak ko.’ That’s my feeling,” sabi niya.
Mensahe niya sa kaniyang pumanaw na anak, “We are okay. You are always remembered until the end of our time.”
Dahil naman sa pinakabagong pagputok ng bulkan, maraming kabuhayan ang naapektuhan. May mga bahay din na napinsala dahil sa pag-agos ng lahar.
Kumusta na nga ba ang mga residente sa mga barangay at bayan na apektado ng pagputok ngayon ng Kanlaon? Tunghayan sa video ang buong ulat. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News