Naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara de Representantes ang House Bill 9349 o ang Absolute Divorce Act, na tinututulan ng Simbahang Katolika. Kapag ganap na naging batas, ano nga ba ang magiging epekto nito sa sakramento ng kasal?
Sa programang "Dapat Alam Mo!", ipinaliwanag ni Father Arvin Ray Jimenez, Parochial Vicar ng San Isidro Labrador Parish-Malhacan, na bahagi ng kasal bilang sakramento ang pangako ng mag-asawa na habambuhay na pagsasama.
“It will be a violation of the nature of marriage itself kung nakahain agad sa atin ‘yung divorce,” ani Father Jimenez.
“Pangalawa, tingnan din natin na kapag nakahain na ‘yung divorce bill, o kung ito man ay maging batas, ‘yung sitwasyon ng magiging mga anak, paano ‘yung mga bata na maiiwan kung ituturing natin na single na ulit ‘yung kanilang mga magulang,” pagpapatuloy niya.
Ayon pa kay Father Jimenez, ang kasal ay isang commitment at pag-ako ng responsibilidad, kaya hindi ito basta maaaring talikuran ng mga mag-asawa.
Inilahad pa ni Father Jimenez na hindi absolute divorce ang sagot sa mga mapang-abusong relasyon, kundi mayroon nang mga naunang batas gaya ng legal separation at declaration of nullity of marriage.
Iminungkahi ni Father Jimenez, suriin ang mga naturang batas at amyendahan kung kailangan.
Ipinaliwanag naman ni Assistant Minority Leader Marissa Magsino, isa sa mga may-akda ng Absolute Divorce Bill, ang pagkakaiba ng annulment sa absolute divorce.
Pagdating sa annulment, “valid” o may bisa mula sa umpisa ang kasal, ngunit nagkaroon ito ng void dahil sa ilang pre-requisites. Gaya umano ng natuklasang mababa pa sa edad 18 o 21-anyos noong magpakasal ang mag-asawa, ginamitan ng panloloko, puwersa o pananakot o iba pang “undue influence,” psychological incapacitated ang isa sa kanila, at pagsalin ng sexually transmitted diseases.
Sa diborsiyo, maaaring gamiting basehan sa pagsasampa ng kaso para palawang-bisa ang kasal ng mga pangyayari habang nagsasama na ang mag-asawa gaya ng pananakit at pagkakaroon ng ibang karelasyon.
“Ang pagkakaiba ng absolute divorce, idi-dissolve ang marriage. Puwede nang mag-asawang muli ang either spouse. Magiging single kayo kapag nagkaroon ng absolute divorce,” sabi pa ni Magsino.
“Ito ang sagot sa mga pamilya o mag-asawa na talagang irreparable na, hindi na po talaga magkasundo at napaka-imposible na po na magsamang muli. Ito pong divorce bill ang sagot sa mga babaeng sadlak sa pagdurusa, sa abusive na relasyon at ganoon din po sa wasak na rin ang kanilang pagkatao,” sabi ni Magsino.
Dagdag pa ni Magsino, pinagsama-sama na sa Absolute Divorce Bill ang legal separation at annulment “to make it more expeditious, more reasonable at inexpensive.”
Sa panig naman ng Simbahan, tinitingnan muna nito ang sitwasyon ng bawat mag-asawa, bago hinihikayat na sumailalim sa mga marriage encounter o counseling. -- FRJ, GMA Integrated News