Kung facial mask at peels, ang ginagamit sa ibang facial procedure, ibahin ang "vampire facial" dahil sariling dugo ng pasyente ang ginagamit para mapakinis ang kaniyang balat. Ligtas naman kaya ito?
Sa programang "Pinoy MD," ang mga tigyawat sa mukha ang problema ng 32-anyos na si Mary Anne Tegerero.
Dahil sa mga tigyawat, naapektuhan maging ang kaniyang kumpiyansa sa sarili.
“Umabot po sa punto na hindi na po talaga ako lumalabas. To the point po na inaaya po ako ng mga kaibigan ko, kami po ay gumala or lumabas, ako na po talaga ‘yung humihindi po," ayon kay Tegerero.
Para matakpan ang mga tigyawat sa kaniyang mukha, naglalagay ng make-up si Tegerero. Bumibili siya ng mga concealer at kinakapalan ang kaniyang foundation.
Bukod dito, nagsusuot din siya ng face mask.
Hinala ni Tegerero, stress, pagpupuyat at hindi pagkain ng tama ang mga sanhi ng pagdami ng kaniyang tigyawat.
Hanggang sa nakita ni Tegerero ang tungkol sa PRP o platelet-rich plasma o mas kilala bilang "vampire facial."
Sinabi ng dermatologist na si Dr. Jean Marquez na isang non-surgical method ang vampire facial o PRP na ginagamit para sa mga problema sa balat tulad ng acne scars at eczema gamit ang mismong dugo ng pasyente.
“Ang platelet-rich plasma actually, these are rich in growth factors. So ang growth factors help in the healing of the skin. Kung kaya't even after surgery they put the PRP on the operated area para mas mabilis maghilom. So it helps in repair and of course healing of the skin,” sabi ni Dr. Marquez.
Isa ang clinic ni Dr. Kei George Rebolledo sa gumagawa ng vampire facial gamit ang platelet-rich plasma, para sa mga pasyenteng may melasma o pekas o pangingitim sa pisngi, at ang mga may acne scars.
Maaari ding i-inject ang PRP direkta sa anit para sa mga nakararanas ng hair fall o hair loss.
Sa proseso ng vampire facial, unang kukuhaan ng five milligrams na dugo ang pasyente.
Matapos nito, ilalagay ito sa centrifuge at papaikutin ng 30 hanggang 40 minuto. Sa centrifuge na ihihiwalay ang platelet-rich plasma mula sa dugo.
Kasabay nito, papahiran na rin ng pampamanhid ang mukha ng pasyente.
Pagkapahid ng chemical peel, sunod na ilalagay ang nakuhang platelet rich plasma gamit ang micro-needling device.
Nagkakahalaga ng P5,000 ang isang session ng vampire facial, na tumatagal ng isang oras kada session.
Para matiyak na ligtas, fresh din dapat ang gagamiting dugo ng pasyente.
Payo ni Rebolledo maaaring sumailalim ang mga pasyente ng isang session kada buwan, at may tatlo hanggang limang session bago makakita ng magandang improvement. -- FRJ, GMA Integrated News