Patok lalo na sa mga estudyante ang palamig na Thicc Treats ng isang mag-asawa na may iba’t ibang nakakatakam na flavor ngayong tag-init sa Maynila. Ang kanilang negosyong mahigit isang dekada na, kumikita ng hanggang P10,000 kada araw.
Sa programang "Pera Paraan," sinabing muna sa isang flavor, mayroon na ngayong pitong flavor ang Thicc Trears ng mag-asawang Eunice at Raymond Babor.
Ang pitong flavor ay kinabibilangan ng mais con yelo, mga best-seller na chocolate at mango cheesecake, pati ang mga bagong labas na Biscoff, melon at avocado.
“Nag-trending po ‘yung Thicc Chocolate sa Malaysia po. And then after that, tinry (try) namin mag-asawa kung paano siya timplahin. And tinry namin siyang ibenta dito. Ayun, nag-click naman siya,” sabi ni Eunice.
Taong 2011 nang buksan ng mag-asawang Babor ang tindahan nila sa tapat ng Santa Ana Elementary School.
Dahil matao ang puwesto, agad pumatok ang negosyo ng mag-asawa, bukod sa abot-kaya rin ito ng mga bata sa halagang P10 pesos para sa isang small cup lang.
Nagkaroon na rin sila ng regular at overload sizes na sumasabog sa dami ng toppings. May 10 toppings na maaaring pagpilian.
May personal recipe rin ang mag-asawa na cheesecake at nag-uumapaw na cheese sa kanilang mango cheesecake flavor.
Nagpo-promo rin sila sa mga kostumer kada linggo, gaya ng pamimigay ng two sticks of mini donuts kapag ni-like o follow ang kanilang page.
Nais pang palakasin nina Eunice ang kanilang social media pages na malakas ang hatak sa customers. Nag-viral na rin online ang video ng isang food vlogger tungkol sa kanilang Thicc Chocolate.
“Noong pinost siya sa TikTok at FB Reels, sobrang nag-boom talaga siya. Hindi namin in-expect ‘yung dagsa ng tao. Sobrang thankful po talaga ako roon,” sabi ni Eunice.
“So kahit po kami, nag-re-Reels na rin po kami para po mai-promote po ‘yung product namin. Social media marketing is very powerful talaga. Kasi kahit ‘yung mga nasa malalayo, nalalaman nila, dinadayo ka,” dagdag niya.
Sa isang araw, kumikita sila ng P5,000 to P10,000.
Nakapagpundar na rin ang mag-asawa ng kitchen equipment para mas napadadali ang proseso ng paggawa ng Thicc Treats.
Nakabili na rin sila ng laptop na malaki ang tulong sa online orders at inquiries.
Nagtutulong-tulong din ang buong pamilya sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo.
“Kailangan po malakas ‘yung loob niyo sa pag-nenegosyo. Kasi ang negosyo po hindi niyo masasabi kung mag-click agad o kung kailan kayo suswertehin. Sipag, tiyaga at pananampalataya sa Diyos po,” sabi ni Eunice.--FRJ, GMA Integrated News