Puti at pino ang buhangin, at sa linaw ng tubig ay puwedeng manalamin. Ang beach na ito, matatagpuan sa isang lalawigan sa Mindanao na dating kilala sa karahasan pero tahimik na umano ngayon-- ang Basilan.
Malayo na nga ngayon sa nakasanayang imahe noon ng Basilan na naging pugad at tawiran ng mga rebelde at bandido.
ALAMIN: 4 must-visit spots in Basilan and Benguet this summer
Dahil sa patuloy na kampanya ng gobyerno laban sa terorismo at pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa mga rebelde, nagkaroon na umano ng katahimikan sa lalawigan at unti-unti na ngayong nakikilala ang Basilan na isang tourist destination.
Sa nakataang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang isa sa mga maipagmamalaking tourist destination sa Basilan na Malamawi island, na may napakagandang dalampasigan.
Mula sa kabisera na Isabela city, maglalakbay ng 15 minuto sakay ng bangka para marating ang Malamawi island, na mayroon nang resort para tuluyan.
Ang magkakaibigan na mula sa Maynila na sina Alexandra, Diane at Dodz, na mula sa Maynila, sa Basilan naisipang tagpuin ang kaibigan nilang si Jack na mula sa Cebu.
Higit daw sa inaasahan ang gandang nakita nila sa isla ng Malamawi.
Ang tattoo artist naman na si Tehe na mula sa Amerika, aminado noong una nagdalawang-isip siya na sa Basilan magbakasayon.
Pero nang makita niya ang ganda ng isla, pangako niya, babalik siya.
Bukod sa magandang beach, mahahalina rin sa mga pagkain lalo na't mayaman sa biyaya ng dagat ang Basilan.
Isa rin ang Lampinigan island sa mga lugar sa Basilan na mayroong magandang beach.
Ang nasa 1,000 residente sa isla, karamihan ay mga lumikas noon at tumakas sa karahasan. Ngayon, ikinatutuwa nila ang pagsigla ng turismo para sa kanilang kabuhayan.
Gayunpaman, may mga naniniwala pa rin na may peligro sa pagpunta sa Basilan. Gaya ng inilabas na travel advisory ng Canada para sa kanilang mga kababayan.
Kasama ang Basilan sa mga lalawigan sa Mindanao na nakalagay sa travel advisory ng Canada na dapat umanong iwasan na puntahan.
Ayon sa militar, wala nang kaso ng kidnap for ransom mula noong pandemic. Idinagdag naman ng kapulisan na mayroong tourist police na nakatalaga para sa mga turista.
Kaya naman nanawagan sa Canada ang tourism officer ng Basilan na suriin ang mga lugar na nasa kanilang listahan, at nang mabigyan ng pagkakataon ang mga matatahimik na lugar.
Noong nakaraang taon, mahigit 400,000 katao umano ang naging bisita ng Basilan, kasama rito ang mga turista. -- FRJ, GMA Integrated News