Sa nakaraang episode ng "Good News," ikinuwento ni Darlen Perculeza-Almario, may-ari ng pastry shop sa Batangas City, na isang batang lalaki na nagtitinda ng pugo ang minsang napadaan sa kaniyang tindahan.
Naantig ang puso ni Almario kaya inalok niya ang bata ng libreng pagkain. Ngunit nag-request daw ang bata na i-take-out na lamang niya ang pagkain.
Magmula noon, hindi na muling nakita pa ni Almario ang bata.
Nakilala ng "Good News" ang batang lalaki sa likod ng viral na photo na si Joey Mendoza, siyam na taong gulang.
Apat na buwang gulang pa lamang noon sina Joey nang iwan silang limang magkakapatid ng kanilang mga magulang.
Magmula noon ang kaniyang 72-anyos na si Lola Corazon Gonzales na ang nag-aruga at tumayo nilang ina.
Nalaman din na si Lola Corazon ang pinasalubungan ni Joey ng pagkain na mula sa pastry shop ni Almario.
Sa kasalukuyan, may kaniya-kaniya nang pamilya ang mga kapatid ni Joey, at dalawa na lang ang nasa poder ni Lola Corazon.
"Sobrang mahal ko po siya. Salamat po sa kaniya, siya ang nagpalaki po sa akin. Sobrang maraming salamat, mahal na mahal ko siya," emosyonal na sabi ni Joey.
Nagsilbing bonding na ng mag-lola ang pagluluto at pagtitinda ng pugo. Ngunit dahil sa kaniyang katandaan, hirap nang lumabas ng bahay kaya si Joey na ang nagsimulang magtinda ng pugo.
Hindi basta inaangkat ni Joey at direktang inilalako kundi hilaw niyang binibili sa palengke ang ibinibenta niyang itlog pugo.
Sa tuwing walang pasok sa eskuwelahan, buong araw nag-iikot si Joey sa bayan para makabenta ng pugo. Nakapag-uuwi siya ng mahigit P500 na kita, na sapat na sa gastusin nila kada araw.
Kapag sumobra ang kaniyang kita, laging may dalang pasalubong si Joey sa kay Lola Corazon.
Nakaranas si Joey ng pangungutya mula sa ilang mga kaklase dahil sa pagbebenta niya ng pugo.
"Bakit daw po nagtitinda-tinda ako, wala raw po akong nanay," sabi ni Joey.
"Pangarap ko pong makaahon kami sa kahirapan. Mag-aaral po nang mabuti at magsisikap pong magtinda ng pugo," sabi ni Joey.
Para sa mga nais tumulong kina Joey at Lola Corazon:
O9176205411
GCash
Darlen Joyce Perculeza
--FRJ, GMA Integrated News