Ang negosyong Texas barbecue style slow-smoked meat na una niyang natikman nang magbakasyon sa Amerika, kumikita na ngayon ng hanggang P40,000 kada araw nang gawin niya sa Pilipinas.
Sa programang "Pera-Paraan," ikinuwento ni Noli Galvez, owner ng MAG Smoked Meat sa Bacoor, Cavite, na namangha siya nang una niyang natikman ang Texas barbecue style slow-smoked meat nang magbakasyon siya sa Amerika dahil nalulusaw ang karne nito sa kaniyang bibig.
Lalo pa siyang nagulat nang malaman niya na hindi pinakuluan kundi pinausukan o barbecue style ang paraan ng pagluluto sa karne.
Kaya pag-uwi niya sa Pilipinas, pinag-aralan niya kung papaano ginagawa ang naturang barbecue style slow-smoked meat.
Gayunman, hindi iyon naging madali dahil kailangang manggaling sa US ang mga gamit gaya ng herbs and spices, smoking machine at maging ang flavored charcoal o uling.
Gumana naman ang pagiging malikhain ni Noli nang gumawa siya ng smoking machine gamit ang mga drum ng tubig. Nakahanap din siya ng importer ng karne na kaniyang niluluto at maging ang mga sangkap.
At matapos ang isang taon na pagtitiyaga, nakuha na ni Noli ang tamang timpla at luto o ihaw sa karne.
"Nung sinerve ko na lahat, sabi nila kakaibang experience din. Hindi nila akalain na yung pinagtiyagaan ko masarap talaga," masayang kuwento pa ni Noli.
Nakitaan niya ito ng potensyal na pagkakakitaan sa negosyo kaya nagsimula siyang tumanggap ng mga order noong 2021.
Dahil sa tuloy-tuloy na magandang kita, nagbukas si Noli ng stall nitong nakaraang Pebrero sa SOMO night market sa Bacoor, at soldout agad sa unang araw.
Napansin din ito ng mga food vlogger kaya lalo pang pumatok.
Ang buong slab ng kaniyang produkto, nagkakahalaga ng P2,300, at P1,300 naman ang half slab.
Mayroon na rin sila ng mga small serving sa halagang P199, at gumawa na rin sila sandwich para sa mga nais matikman ang kaniyang produkto.
Papaano nga ba ang metikulong paggawa ng Texas barbecue style slow-smoked meat para malusaw sa bibig ang karne? Ipapakita 'yan ni Noli sa video na ito ng Pera-Paraan. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News