Sa isang episode ng “Biyahe ni Drew,” ipinakilala si Felix Barredo, na sinimulan ang kaniyang panata sa pagpepenitensiya noong 2002.
Ayon kay Barredo, mayroon siyang kahilingan para sa paggaling ng kaniyang ina at mga anak.
Ang ina ni Barredo, nagkaroon ng stage three cancer.
"Wala naman kami pang pampagamot. Next ko naman ‘yung sa first baby ko, kombulsiyon po, maliliit,” pagbahagi niya.
Matapos nito, nagkasakit din ang kaniyang anak na babae.
“Hindi pa rin natapos doon. Sumunod naman ‘yung anak ko, babae. Na-diagnosed siya na meron siyang 0.3 na butas sa puso,” saad ni Barredo.
Pinayuhan si Barredo na “urgent” ang open heart surgery ng kaniyang anak. Gayunman, wala rin silang pera para sa operasyon.
“Nag-pray ako para sa sarili ko, sabi ko. Siguro mas dagdagan ko pa. Sa Kaniya na naman ako lumapit. Sa awa naman ng Diyos, 14 years old na siya ngayon,” sabi ni Barredo.
Sinisimulan ni Barredo ang kaniyang panata sa tabing-dagat ng 5 a.m., at matatapos ng mga 8 a.m.
Ang kaniyang panghampas sa likod ng katawan ay likha mula sa matibay na kawayan.
Sa kaniyang panata, 48 na hiwa sa likod ang tinitiis ni Barredo na kung minsan ay nadadagdagan pa ng 28 hiwa kung may nagawa siyang pagkakasala.
“Sinungaling ako sir kapag sinabi kong hindi masakit kasi dumudugo na siya,” anang padre de pamilya.
“Pero sa akin, focus ka lang sa Kaniya, du’n ka lang. Pray ka lang nang pray. Malalaman mo, malapit ka nang matapos,” pahayag niya.
Dodoble pa ang sakit ni Barredo dahil matapos hampasin ang sarili, pupunta siya sa dagat para hugasan ang kaniyang mga sugat.
Gayunman, nagpayo ang isang eksperto na baka hindi sterile ang blade na ginagamit ni Barredo, na maaaring pagmulan ng sakit gaya Hepatitis B o HIV.
Tunghayan ang kuwento ng pananampalataya ni Barredo sa video ng “Biyahe ni Drew.”-- FRJ, GMA Integrated News