Natanggal man noon sa trabaho bilang saleslady, nakahanap naman siya ng bagong hanapbuhay sa pagbebenta ng bisikleta na nag-level up sa e-bike. Kung dati ay sumasahod siya ng P520 kada araw, ngayo, kumikita na siya ng six digits kada buwan.
Sa kuwentong “Good News,” ipinakilala si Morica Jola Cruz, na magtatapos na sana ng high school nang mabuntis siya sa kaniyang unang anak.
Dahil sa kaniyang malaking responsibilidad sa murang edad, kumayod siya at namasukan bilang isang sales lady ng mga sapatos sa edad 23, na walo hanggang siyam na oras siyang nakatayo.
Bilang isang sales lady, may quota siya kada araw, na maaari niyang ikatanggal kung hindi niya ito maaabot.
“On probation na po kasi ako noong time na ‘yun. ‘Yun nga lang po, nabuntis po ako sa pangalawa kong anak,” sabi niya.
Dagok sa kaniya nang maalis siya sa trabaho, dahil nag-iipon siya ng kaniyang pampanganak.
Ngunit hindi sumuko si Cruz na nagbenta online ng mga gamit gaya ng mga relo, bags, damit at mga gamit sa bahay. Katandem niya ang asawang si Aries Cruz.
Gayunman, hindi pa rin sumasapat ang kita rito.
Nang magkaroon ng pandemya at panandaliang natigil ang public transportation, naisipan nilang magbenta ng bisikleta na makatutulong sa mga commuter. Ngunit naging problema nila perang pampuhunan.
Tinulungan sila ng kaniyang hipag at pinahiram ng P20,000 na kanilang ipinambili ng bikes.
Mula sa limang bike na kinunan nila ng larawan at ibinenta online, unti-unti nilang itong napalago hanggang sa makaipon at naging negosyo na nila ang pagbebenta ng e-bike.
Sisiw na kay Cruz ang pagtitinda dahil nasanay na siya noon bilang sales lady. Para mas maibenta pa ang kanilang produkto, pinag-aralan pa niya ang mga ito.
Pagkalipas ng tatlong taon, amo na si Cruz ng sarili niyang negosyo.
“From P12,000 po kasi before noong saleslady po ako, ngayon po na nagbebenta na ako ng e-bike, nagiging six digits na po ‘yung kita namin buwan-buwan,” sabi ni Cruz.
Dahil sa kanilang negosyo, nakapagpa-ayos na sila ng bahay, nakapagpundar ng sasakyan, at nakapagpatayo na rin ng e-bike warehouse.
Malayo man ang naabot at big-time negosyante na, hindi pa rin ikakahiya ni Cruz ang naunang trabaho niya.
“Sobrang laki po ng pasasalamat ko din dahil po naging saleslady ako. Kasi kung hindi po, hindi ko po yan malalaman kung paano ko po ibebenta eh,” sabi ni Cruz.
Kung dati ay humihingi ng tulong sa iba, si Cruz naman ngayon ang tumutulong sa mga nangangailangan.
Tinulungan ni Cruz ang kaniyang biyenang lalaki sa pagda-dialysis, pati na rin ang mga nagpupursige sa buhay.
Tunghayan sa Good News ang ginawang pagtulong ni Cruz sa isang masipag na 64-anyos na tatay na naglalako ng mga basahan kasa-kasama ang anak na child with special needs. -- FRJ, GMA Integrated News