Kinikilalang “Marble Capital of the Philippines” ang lalawigan ng Romblon dahil sa dami ng marble deposit sa lugar. Katunayan, ang Romblon ang nag-iisang supplier ng naturang uri ng bato sa buong bansa. Pero gaano nga ba karami ang marmol sa lalawigan?
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Susan Enriquez, ipinakilala ang 54-anyos na si Ernesto Santiago, may-ari ng David’s Marble Products Manufacturing.
Ayon kay Santiago, may mga quarry ng mga marmol kahit saan man magpunta sa isla ng Romblon.
Mula sa quarry, diretso na ang mga marmol sa kanilang pagawaan para isalang sa makina at uukitin ito sa hugis na kailangan gaya ng madalas gawing pasalubong na almires.
Matapos nito, isasalang na ito sa polishing machine para kumintab ang marmol.
Ayon sa Mines and Geosciences Bureau, may 150 million metric tons ng marmol sa Romblon.
“Tinawag po ng Marble Capital of the Philippines ang Romblon dahil tayo po ang may pinakamalaking marble supply or marble deposit sa buong Pilipinas at tayo rin po ang nag-iisang supplier nito sa buong bansa,” sabi ni Maiko Dominic Fajilagutan, Tourism Officer ng Romblon.
Sagana rin sa limestone at mga mineral ang Romblon kaya may iba't ibang kulay din ang marmol nito gaya ng century, black, white, golden white, low century, at tiger white.
Gayunman, hindi naman nagkakaiba ang presyo ng marmol kahit pa magkaiba sa kulay.
Noon pang ika-19 siglo natuklasan ang yaman ng Romblon sa marmol, kaya importante ang regulasyon at limitasyon ng pagkuha nito sa isla, na alinsunod sa Provincial Marble Regulation Board.
Maparurusahan ang mga minero at mga nag-e-extract ng marble deposits sa Romblon na hindi sumusunod sa mga panuntunan, at maaaring isyuhan ng notice of violation at ng cease and desist order o CDO ng Department of Environment and Natural Resources.
Ang tindahan ni Santiago, nakakagawa ng hindi bababa sa 20 pirasong almires sa isang araw.
Naibebenta ang mga small na alemeres sa halagang P150, medium sa halagang P250, at large sa P500 hanggang P550.
Ilan pa sa mga produkto nila ang mga figure gaya ng lampshade, cellphone holders, table bars, chessboard, mga Buddha at mga imahen ng mga santo. May egg-shaped at foot-shaped na mga keychain din.
Maaari namang umabot ng P70 hanggang P85,000 ang mga malalaking eskultura na gawa sa marmol.
Bukod sa mga Pinoy, may mga regular customer din ang negosyo ni Santiago sa US, UK at Germany. -- FRJ, GMA Integrated News