Gamit lamang ang diskarte, nasimulan ng isang negosyante ang kaniyang lechon belly business nang walang puhunan sa GMA, Cavite. Ngayon, kumikita na ito ng hanggang P30,000 kada araw. Paano nga ba niya ito nagawa?
Sa programang "Pera Paraan," itinampok ang lechon belly business ni Marck Anthony Delin na “Marck's Big Belly.”
Likas na raw kay Delin ang maging madiskarte dahil namulat na siya sa hirap ng buhay noong bata pa lang. Street vendors ang kaniyang mga magulang at sa bangketa lang sila noon natutulog.
Kaya naman nagsumikap si Delin sa buhay.
Nag-aral siya ng hotel and restaurant management at nag-trabaho bilang cook at dishwasher sa isang restaurant.
Habang wala namang pasok, tumutulong siya sa pag-aayos ng mga uling at paglilinis ng griller ng kaniyang bayaw.
Nagsimula rin siya noon ng ihaw-ihaw business gamit ang P1,000 na puhunan.
Hanggang sa maging scholar siya sa isang culinary institute at napiling ipadala sa Amerika para sa isang internship program.
Kinalaunan, naisipan ni Delin ang “perfect” business na litson dahil hindi ito nawawala sa mga okasyon.
Nag-umpisa si Delin na nakikiluto lamang sa lutuan ng kaniyang bayaw. Humingi rin siya ng downpayment sa mga umorder ng lechon belly nang minsan siyang nag-post sa social media ng kaniyang luto.
Siya na rin ang nagsilbing taga-deliver para mas makatipid.
Matapos ang tuloy-tuloy na pagdagsa ng orders online, nakaipon si Delin ng P70,000 na kaniyang ipinuhunan para magtayo na ng kainan.
Nakabili na rin siya ng sarili niyang ihawan.
“Nagsimula po siya 2017, I started po noon na wala siyang puhunan. Pinost ko lang siya tapos ang daming nagme-message sa akin. Collecting orders muna po ako. Kinuha ko po ‘yung mga details tapos nanghingi po ako ng down payment,” sabi ni Delin.
Noong mag-online, kumikita siya ng P2,000 hanggang P5,000 kada araw. Ngunit nang simulan ang dine-in, kumikita na siya ng P15,000 hanggang P30,000 kada araw.
Hindi naman naging madali ang pagnenegosyo ng lechon belly.
Noong wala pa silang supplier, si Delin pa mismo ang nagpupunta ng palengke upang bumili ng liempo. Hindi rin marami ang supply nito dahil dadalawang piraso lamang ng liempo ang makukuha sa isang baboy.
Katuwang ni Delin sa pagluluto ang kaniyang asawa sa pagpapatakbo ng negosyo.
Nasa P1,800 hanggang P5,400 ang benta niya sa kaniyang lechon belly rolls, na may mini roll, small, medium, large at party size lechon belly.
Nag-aalok din sila ng lechon belly with rice sa halagang P120. Mayroon din silang lechon belly platter at lechon belly with chicharong bulaklak platter na kasya na para sa tatlong tao.
Sa halagang P155, panalo na ang kanilang putok-batok combo meals gaya ng lechon belly with sisig, chicharong bulaklak at rice, pati na rin ang chicharong bulaklak at rice at lechon belly with tapa.
Dagdagan lang ito ng P20, may kasama na itong drink at unli rice pa.
Swak naman para sa barkada at pamilya ang kanilang Bilao Meats na may chicken inasal, ribs, barbecue, chicharong bulaklak, at lechon belly sa halagang P2,699.
Nakakaubos sila ng 50 kilos hangganag 100 kilos kada araw.
Maaari ding maging reseller ni Delin ang mga naghahangad na magnegosyo.
Dahil sa kaniyang pagsisikap, nakabili na siya ng sasakyan, dalawang iba pang negosyo, at naipagawa na rin niya ang bahay ng kaniyang magulang.
Natutulungan pa ni Delin sa gamutan ang kaniyang amang may kidney disease. Bukod dito, tinutulungan din niya ang kaniyang mga staff na working student.
Pursigido siyang mag-early retirement silang mag-asawa.
“Sa negosyo, mas maganda simulan siya ng mas bata. Wala naman siyang pinipiling edad. Huwag pong susukuan ‘yung problem. Bagtos hanapan nila ng solusyon plus po ‘yung mga empleyado nila, ‘yung mga tauhan nila. I-boost nila kung mahal mo ‘yung mga empleyado mo,” sabi ni Delin. -- FRJ, GMA Integrated News