Patok at dinarayo ang isang tindahan ng chicken biryani sa Pasig dahil sa bagong panlasa na kakaiba para sa mga Pinoy. Ang negosyong sinimulan lang sa P1,000 na puhunan, daan-daang libo na ngayon ang kita kada buwan.

Sa programang Pera Paraan, itinampok ang “Why Chicken,” ng 43-anyos na si Rhodora Hassouna, na mula sa Dumaguete.

Taong 2008 nang mapangasawa niya ang Lebanese na si Abed Hassouna.

Nagtayo sila ng restaurant sa Dumaguete noong 2014 na nag-aalok ng Lebanese cuisine. Ngunit nang dumaan ang pandemya, nalugi ang kanilang kainan.

Nasa Lebanon noon ang mag-asawa at nagbabakasyon kaya hindi na natutukan ang negosyo. Gayunman, hindi nawala ang pagiging negosyante ni Rhodora.

Namuhunan siya ng P1,000 para muling simulan ang panibagong negosyo na pagluluto ng chicken biryani, na kasama na sa menu ng nagsara nilang restaurant sa Dumaguete, na siyang heirloom recipe ng pamilya ni Abed.

“This from generation to generation, we take the recipe and we continue. Starting from our grandparents, so I take it, my parents and me. But not only the chicken. It's all the Middle East food,” sabi ni Abed.

Magmula noon, nakapagbebenta na si Rhodora ng 10 pirasong manok sa isang araw.

Dahil na rin sa posts niya sa iba't ibang social media pages, nagsimulang dumami ang kanilang customers.

Kalaunan, napansin na rin ito ng food vloggers na nagbukas ng malaking oportunidad para mas makilala ang kanilang negosyo.

Nakahanap na rin si Rhodora ng puwesto na mas madaling mapuntahan ng customers.

Mula sa 10, naging doble, triple, hanggang sa nagtuloy-tuloy pa ang demand ng chicken biryani nina Rhodora, kaya tumulong na rin si Abed sa pagnenegosyo.

“I get more proud from my wife because she's the one, she want to do the business here in Philippines. For my wife, the best. All the Filipinos support her. All the Filipino very kind. If I am weak, she supports me. If she's weak, I support her,” sabi ni Abed.

Dahil sa kanilang negosyo, nakabili na sila ng truck at kasalukuyang nagtatayo na rin ng branch sa Davao.

Adbokasiya na rin nina Rhodora at Abed ang mamigay ng libreng chicken biryani sa mga nangangailangan.-- FRJ, GMA Integrated News