Hindi pa rin nahahanap ang dambuhalang sawa na pinaniniwalaang aabot sa higit 20 talampakan ang haba at kasingtaba ng puno ng niyog ang katawan sa Calasiao, Pangasinan. Ang lalaki na unang nakakita sa pinagbalatan ng sawa, ikinuwento na tila sariwa pa ang balat nang kaniyang makita.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na pinangalanan ng mga residente sa Barangay Bued ang hinahanap nilang sawa bilang si "Bubbles."
Ang hitsura daw kasi ng pinagbalatan ng sawa, mistulang bubble wrap.
Sa mga lumabas na ulat, unang inakala na reticulated python ang hinahanap na sawa. Pero sabi ng mga eksperto, kung pagbabasehan ang marka ng pinagbalatan at paraan ng pagkakaalis ng lumang balat ng ahas, isa itong Burmese python.
Masukal, may mga puno at kawatan, at may ilog sa lugar kung saan unang nakita ng 66-anyos na magsasaka na si Pablo Parayno, ang pinagbalatan ng sawa.
Kuwento niya, napansin niya ang maputing bagay na nasa ibaba ng puno at nang lapitan niya ay napagtanto niya na pinagbalatan iyon ng ahas.
Malansa pa umano at mamasa-masa pa noon ang pinagbalatan na tila bago pa lang natatanggal mula sa ahas.
Normal na raw sa kanila ang makakita ng ahas sa bukid pero hindi ang ganoong kalaki ng ahas.
Dahil sa paniwala na may dalang suwerte ang balat ng ahas, iniuwi niya ito sa kaniyang kubo pero hindi niya kaagad sinabi sa mga kapitbahay.
Pero nang hindi na siya nakatiis, ikinuwento na rin niya ang kaniyang nadiskubre.
Dahil sa pagkakatuklas pinagbalatan ng sawa, tila nagkaroon naman ng kasagutan sa tanong ng residente si Anna Flor, kung saan napunta ang alaga niyang aso at mga manok.
Noong una, inakala lang niya na nawala ang kaniyang aso, habang pinagsuspetsahan naman niya ang kaniyang mga kapitbahay na nagnanakaw sa mga manok niyang nawawala.
Bagaman nagkaroon siya ng kasagutan sa kung ano ang dahilan ng pagkawala ng kaniyang mga alaga, ang kapalit naman nito ay pangamba na baka siya o ang mga bata naman sa kanilang lugar ang tangayin ni "Bubbles."
Matapos ang pagkakadiskubre ng pinagbalatan ng dambuhalang sawa, ilang snake hunters ang nagtungo sa lugar para hanapin ang ahas.
Tunghayan sa video ng "KMJS" kung ano ang kanilang natuklasan at nahuli, at masdan din ang dambuhalang sawa na nahuli noon sa Aurora na isang buong baboy ramo ang nakuha sa loob ng katawan. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News