Hindi man makalakad dahil sa kaniyang polio, sinisikap pa rin ng isang mangingisda sa Zamboanga City na makapalaot at lumangoy para may makain ang kaniyang pamilya. Hanggang sa may makita siyang kakaibang uri ng bato sa ilalim ng dagat na kulay asul at kumikislap kapag tinamaan ng sikat ng araw. Isa nga kaya itong blue diamond?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Kadafi Sahi na pumalaot siya isang araw noong Disyembre upang manguha ng halamang-dagat na lato na kanilang pang-ulam ng pamilya.
Hanggang sa makita niya sa ilalim ng dagat ang kulay asul na bato na kasing laki ng piso na kumikislap kapag nasisinagan ng araw.
Sa pananaliksik daw ng kaniyang kapatid, sinabi sa kaniya na mahal na uri ng bato ang kaniyang nasisisid na tinatawag na blue diamond na posibleng P300 milyon daw ang halaga.
Kaya naman ganoon na lang ang ginawang pag-iingat ni Kadafi sa bato dahil maaaring ito ang maging susi para makaahon sila sa kahirapan.
Mayroon na umanong nais na bumili sa bato pero hindi niya alam kung magkano talaga ang halaga nito.
Kasabay nito, tila may kakambal daw na malas ang bato dahil mula nang makuha niya ito, may mga hindi magagandang pangyayari ang naganap sa kanila.
Ang kaniyang bangka na gamit sa pangingisda, nabutas kaya hindi na siya ngayon makapunta sa laot.
At ang kaniyang pamangkin, biglang nagkaroon ng sakit at kinalaunan ay pumanaw.
Upang malaman higit na suwerte ang dala sa kaniya ng bato at kung blue diamond nga ba ito, at kung magkano ang halaga nito, ipinasuri ang bato sa isang eksperto.
Ngunit ang resulta, hindi diamond ang batong nakuha ni Kadafi kung hindi isang uri ng gemstone na kabilang sa mga uri ng Opal.
Pero may katumbas kaya itong halaga na puwedeng pakinabangan o ibenta ni Kadafi? Alamin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News