Sa programang "Pinoy MD," sinagot ng health and wellness doctor na si Dr. Oyie Balburias ang ilang katanungan ng netizens tungkol sa kalusugan. Kabilang na dito ang kung ano ang benepisyo na makukuha ng katawan sa pag-inom ng fish oil.
Ayon kay Dr. Balburias, ang fish oil ay nagbibigay ng essential fatty acids.
“Maganda ‘yan hindi lamang sa puso, dahil maganda rin ‘yan sa utak, even sa mata, meron niyang benefit. For the heart, nakakatulong ‘yan para pababain ang triglycerides,” sabi ni Dr. Balburias.
Dagdag niya, mainam ito para sa mga nagpapababa ng cholesterol levels o lipid profile.
Nagpapababa rin daw ng blood pressure ang fish oil, dahil mayroon itong Eicosapentaenoic acid (EPA) na kailangan na nutrients ng blood vessels para manatiling malusog.
Isa pang klase ng fish oil ang DHA na mainam para sa cognitive and brain function.
Mayroon din itong anti-inflammatory benefits, na para sa mga may iniindang chronic pain, paliwanag pa ng duktor.
Samantala, may nagtanong din tungkol sa kung ano ang dapat gawin kapag nakakaramdam ng palpitation at pagkirot ng dibdib lalo na kung high blood ang tao?
Ayon kay Dr. Balburias, ang high blood ay isa sa risk factors na maaaring maging dahilan para magkaroon ng atake sa puso.
Dagdag pa niya, ang palpitation ay isang sintomas na nagkakaroon ng kompromiso sa daloy ng dugo na nagsu-supply sa muscles ng puso.
Kung madalas o paulit-ulit ang nararamdamang palpitation at pananakit sa dibdib, dapat daw itong ituring babala at makabubuting magpatingin na sa cardiologist.-- FRJ, GMA Integrated News