Sa isang episode ng “Kapuso sa Batas” sa "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion na kung magtatayo ng sanglaan bilang negosyo, kailangang sundin ang Presidential Decree 114 o Pawnshop Regulation Act, at dapat magparehistro sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ang sanglaan ay isang paraan din ng pagpapautang kung saan magbibigay ang isang tao ng kaniyang personal property gaya ng alahas, bag, telepono at appliances na “of value” kapalit ng pera.
Pagdating sa rate of interest, suspendido ang usury law o pagtatakda ng interest rate na masyadong mataas, bagama’t sinabi rin ng Korte Suprema na hindi rin maaari ang masyadong mataas na interest rate dahil hindi na ito patas sa kapwa.
Sa isang pawnshop, kadalasang percentage lamang ng halaga ng gamit ang maaaring ipautang nito na hindi lalagpas ng 50% o 30%.
Payo ni Atty. Concepcion, makipagtransaksiyon sa mga rehistradong pawnshop para makatiyak na hindi matatangay ang personal property, o hindi magulangan sa rate ng pagpapautang.
Pagdating naman sa pagsasangla sa tao, mahalagang may kasulatan at nakasaad doon kung magkano ang rate of interest at kailan dapat bayaran.
Magkaibigan man o hindi, at kung sa tao man o sa sanglaan, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-angkin ng gamit na isinangla kapag hindi nakabayad ang nangutang.
Sa ilalim ng pactum commissorium, dapat na isubasta ang gamit, o maaaring mag-usap ang mga partido kung ibebenta na lamang ito. Panoorin ang buong talakayan sa video. -- FRJ, GMA Integrated News