Mahigit P1 bilyon na ang jackpot prize na nakataya sa pinagsamang premyo ng Superlotto 6/49 at Grand Lotto 6/55, alamin ang paraan sa pagpili ng mga numerong tatayaan batay sa taong 2024, ayon sa paliwanag ng isang numerologist.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office, nakasaad na mahigit P593 milyon na ang jackpot sa Superlotto 6/49, habang mahigit P662 milyon naman sa Grand Lotto 6/55.

Tingnan ang kabuuang resulta sa lotto

Sa programang "Unang Hirit" nitong Lunes, itinuro ng numerologist at tarot and oracle card reader na si na si Ana Santiago, kung papaano ang pagpili ng mga numero na maaaring tayaan batay sa numero ng taong 2024 na ang kabuuan ay lalabas na "8."

Paliwanag ni Ana, ang 8 ay simbulo ng kasaganahan at karma sa numerology. Kaya naman daw kung ano ang itinanim ng isang tao noong 2023, maaari na niya itong anihin ngayon, tulad ng investment.

Kabilang sa mga halimbawa na ipinakita ni Ana sa pagpili ng mga numero ay ang paghati ng mga numero na ang magiging kabuan pa rin ay 8.

Gaya ng 1 at 7, o 17, at puwede ring 2 at 6 o 26.

Paliwanag pa ni Ana, maaaring paghaluin ang mga numero. Panoorin ang kanilang buong paliwanag sa video.-- FRJ, GMA Integrated News