Magandang taon kaya batay sa astrological charts o bituin ngayong 2024 ang magpakasal o lumagay na sa tahimik ang mga taong nagmamahalan? Alamin.
Sa programang "Dapat Alam Mo," sinabi ng astrologer na si Resti Santiago, na dapat gawin sa unang bahagi ng 2024 ang pagpapakasal kung nais ng magkasintahan na lumagay na sa tahimik.
Gayunman, sinabi ni Santiago na limitado lang ang buwan na pagpipilian para sa kasal dahil may mga eclipses na mangyayari ngayong taon.
Binanggit niya ang mga buwan na Marso, Abril, Setyembre at Oktubre.
Karaniwan umanong iniiwasan ang magpakasal kapag may eclipse.
Ginawang halimbawa ni Santiago sa tinatawag na "eclipse wedding" ang nangyari kina Princess Diana at Prince Charles, na nauwi sa hiwalayan ang pagsasama.
Pagdating naman sa negosyo, sinabi ni Santiago na dapat itayo ang negosyo sa unang bahagi ng 2024, partikular sa buwan ng Enero at Pebrero.
Kabilang umano sa mga negosyo na magandang gawin ngayong taon ay patungkol sa beauty related businesses, internet o social media product and services, food at mga tungkol sa knowledge and information.
Sinabi rin ni Santiago na magandang targetin ng negosyo ang market sa labas ng bansa.
Sa usapin ng kalusugan, sinabi ng astrologer na dapat bantayan ang isyu ng mental health lalo na sa mga kabataan.
Magiging pangunahing usapin umano ng kalusugan ang mental health hanggang sa susunod na 20 taon.
Dapat din umanong bantayan sa kalusugan ang tungkol sa circulatory system in general, pati na ang diabetes.
Paalala naman ng programa, gabay lamang ang mga prediksyon at ang tao parin ang paggawa ng kaniyang sariling kapalaran.-- FRJ, GMA Integrated News