Sa nakalipas na halos limang taon, mag-isang nanirahan sa isang kuweba na malapit sa ilog sa Cagayan Valley ang isang lalaki na labis na nalungkot nang pumanaw ang kaniyang kabiyak sa buhay. Sa paglipas ng panahon, pumayag na kaya siyang bumalik sa masasabing "normal" na pamumuhay?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," pinuntahan ng team ang kuweba kung saan nakatira ang 64-anyos na si Tomas Marcos. Ang kuweba, nasa tabi ng ilog na umaapaw kapag malakas ang ulan.
Bahagi pa raw ng lupa na pag-aari ng pamilya ni Marcos ang kinaroroonan ng kuweba. Mayroon siyang ginawang higaan na yari sa kahoy, pahingahan sa bungad ng kuweba, at munting kalan sa lapag para makapagluto gamit ang panggatong.
Dahil walang kuryente, nakiki-charge lang si Mang Tomas para sa maliit niyang tila flash light na ginagamit niya sa gabi. Nasa 200 metro naman ang layo ng isang resort kung kailangan niyang magbanyo.
Nakatapak lang at walang sapin sa paa si Mang Tomas dahil madulas ang mga bato sa kuweba.
Gumawa na rin siya ng "emergency exit," o alternatibong daanan kung sakaling tumaas ang tubig sa ilog at umabot sa kaniyang pinupuwestuhan.
Pagdating sa pagkain, walang problema si Mang Tomas dahil mayroon siyang tanim ng mga gulay sa itaas ng kuweba, at puwedeng manghuli ng isda sa ilog.
Ngunit kahit masasabing payapa sa lugar na kaniyang kinaroroonan, may nakaamba ring panganib dahil sa mga ahas na nasa paligid.
Dati raw may kubo si Mang Tomas sa kapatagan kung saan sila nakatira ng kaniyang asawa at anak na si Marjorie. Pero nasira ito nang magkaroon ng malakas na bagyo.
Hanggang sa pumanaw ang kaniyang asawa dahil sa sakit nito sa matris. Sa harap ng kaniyang kalungkutan at pagluluksa, naghanap ng katahimikan si Mang Tomas na natagpuan niya sa kuweba.
Mula noon, nagpasya siyang doon na manirahan.
Ang kaniyang anak na si Marjorie, hindi maiwasan na mag-aalala sa kaligtasan ng kaniyang ama lalo na kapag bumabagyo at tumataas ang tubig sa ilog.
Kaya hangad niyang makasama na sana ang kaniyang ama kung may makakatulong lang sana sa kanila na maipaayos ang kanilang bahay.
Tila nakalampasan na rin naman ni Mang Tomas ang pagdadalamhati sa kaniyang namayapang kabiyak dahil kay Julie na kaniyang nakilala nang magkaroon ng pandemic.
Hindi makalimutan ni Julie nang minsan niyang bisitahin si Mang Tomas sa bahay nito sa kuweba at abutan siya doon ng lockdown.
Bagaman kontento na si Mang Tomas sa kaniyang buhay sa kuweba, gusto na rin naman niyang makasama na ang anak at tumira malapit sa bahay nito.
Ang hindi alam ni Mang Tomas, may inihahandang sorpresa sa kaniya ang lokal na pamahalaan at ang mga residente nang minsan na ayain siya ni Julie na magkita sila sa bahay ng anak nito na si Marjorie.
Tunghayan ang buong kuwento ni Mang Tomas sa video na ito ng "KMJS." Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News