Nagiging “apple of the eye” sa online world ang isang prutas na mukhang maliit na green apple pero mas masarap daw na kung tawagin ay “jujube.” Ang naturang bunga, natuklasang panlaban din umano sa ilang uri ng colon cancer.
Sa programang “AHA!” sinabing nanggaling ang jujube mula sa pamilya ng flowering plants na kung tawagin ay Rhamnaceae, na kadalasang isang puno, shrubs o vines.
Exotic ito sa Pilipinas, kaya naman marami ang nagulat nang magsulputan ito sa Talisay, Batangas.
Ayon kay Alvin Marasigan, jujube enthusiast, mas masarap ang bunga ng jujube kaysa sa mansanas.
Itinatanim ito sa pamamagitan ng grafting kung saan pinagsasama ang dalawang bahagi ng mga halaman para lumaki silang iisa.
Ilan sa mga klase ng jujube na meron si Marasigan ang Thailand, Thai Bao, Giant at Indian Jujube.
Nakarating na rin ng Cebu ang jujube, matapos bumili ng vlogger na si Lucio “Ate Charing” Procurato ng bunga mula kay Marasigan.
Binili niya ang jujube dahil sa mayroon daw itong health benefits na kailangan niya dahil sa pinagdaanan niya sa kalusugan.
Mayroong sarcoma o cancer sa soft tissue si Ate Charing.
Ayon kay Dr. Philip Niño Tan-Gatue, isang certified traditional Chinese medicine practitioner, na base sa pag-aaral, ang Indian Jujube ay nakatutulong na malabanan ang ilang uri ng colon cancer, kung sasamahan ng western chemotherapy.
Patuloy ang pag-aaral kung totoong mabisang panlaban sa cancer ang jujube.
Samantala sa Makilala, North Cotabato, naintriga naman ang mga residente roon sa orange at pink durian na “Durio Graveolens,” o madalas nilang tinatawag na “Barbie Durian.”
Ayon sa durian enthusiast na si Bernard Bautista, ang Durio Graveolens ay endemic sa Southeast Asia, lalo na sa Borneo, Malaysia at Indonesia. Meron din nito sa Palawan.
Kaiba sa pangkaraniwang durian na namumunga sa loob ng apat hanggang limang taon, mas matagal ang sa Barbie Durian na umaabot ng halos pitong taon.
Kahit na kasinglaki lang ng kamao ang bunga ng Barbie Durian, nanununtok naman ang amoy nito. --FRJ, GMA Integrated News