Taong 2014 nang tumama ng P12.3 milyong lotto jackpot ang dating OFW na si Antonio Mendoza. Pero dahil sa nasunog ng plantsa ang tiket, hindi ibinigay sa kaniya ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang premyo. Kaya ang usapin, nakarating sa Kongreso, korte, at umabot pa sa Korte Suprema.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Mendoza na nakaranas siya ng matinding depresyon ng halos isang buwan dahil sa labis na panghihinayang sa P12.3 milyon.
ALAMIN: Paano nga ba kinukuha ang napanalunan sa lotto?
Muntik pang masira ang kaniyang pamilya dahil sa pag-init ng kaniyang ulo, at napagbubuntunan ng galit ang kaniyang anak na si Roxanne, na nagplantsa sa tiket.
Dahil sa kagustuhan na makabawi sa ama at matulungan ang mga magulang, nagpasya si Roxanne na magtrabaho sa Taiwan, na malayo sa kaniyang pamilya.
BASAHIN: Ilan sa 433 na tumama sa P236-M Grand Lotto 6/55, kumubra na ng premyo
Nagsimula ang lahat nang tumaya sa lotto si Mendoza sa unang pagkakataon at suwerteng tumama ang kaniyang tiket. Iyon nga lang, aksidenteng nalukot ang tiket ng kaniyang apo, na isang-taong-gulang lang noon.
Sa taranta ni Roxanne, plinantsa niya ang tiket para mawala ang lukot, at doon na aksidenteng nasunog ang bahagi ng tiket. Hindi na mabasa ang ilang numerong tumama at maging ang ticket serial number.
Dahil sa nangyari, hindi kinilala ng PCSO ang winning ticket kahit pa mayroong sertipikasyon mula sa PCSO ang lotto outlet kung saan tumaya si Mendoza, na nagpapatunay na nagmula doon ang solong nanalo ng jackpot.
Kaya naman labis ang panghihinayang ni Mendoza na naging dahilan para maging mainitin ang kaniyang ulo. Napagbubuntungan niya ng galit ang kaniyang pamilya sa nangyari.
Bukod sa pangingibang-bansa ni Roxanne, nagpasya rin si Mendoza na magtrabaho muli sa ibang bansa. Ngunit nang may nagsabi sa kaniya na umuwi na dahil makukuha na niya ang P12.3 milyon, bumalik siya sa Pilipinas pero hindi pa rin niya nakuha ang premyo.
Dahil dito, unti-unti nang naubos ang kaniyang mga ipon at naibenta pa niya ang kaniyang sasakyan para matustusan ang kanilang pangangailangan.
Nadagdagan pa ang kaniyang problema nang magkaroon siya ng diabetes at kinakilangan niyang humingi ng tulong para matustusan ang kaniyang mga gamot.
Kahit hindi pa rin nawawala ang kaniyang pag-asa na makukuha ang kaniyang premyo, nawala na ang galit sa puso ni Mendoza na dulot ng panghihinayang.
Ayon kay Mendoza, hindi naman kailangan bayaran ng kaniyang anak ang premyo dahil ang mas mahalaga sa kaniya ay kompleto sila at sama-sama.
"Ang galit ko sa una lang. Kapag nagtatagal na nawawala na," pahayag niya.
Bagaman nanalo na sa korte ang paghahabol ni Mendoza sa premyo ng lotto, iniapela ito ng PCSO hanggang sa nakarating na sa Korte Suprema.
Si Roxanne na nasa Taiwan ang nagbalita sa kaniyang ama tungkol sa nabasa niyang balita na pumabor kay Mendoza ang desisyon ng mga mahistrado ng SC na nag-uutos sa PCSO na ibigay sa kaniya ang premyo.
Pero nalaman ni Mendoza na noon pa palang Marso lumabas ang desisyon ng SC pero wala pa rin umanong taga-PCSO na nakikipag-ugnayan sa kaniya.
Bakit nga ba wala pang nakikipag-ugnayan kay Mendoza at ibibigay pa kaya sa kaniya ang kaniyang napanalunang jackpot? Alamin sa video ng "KMJS" ang sagot at paliwanag ng PCSO. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News