Para ma-achieve ang maganda at maputing ngipin sa murang halaga, ilang netizens ang sumusubok ng do-it-yourself veneers na nabibili online. Gaano nga ba ito kaepektibo at ligtas kayang gamitin?
Sa programang "Pinoy MD," itinampok ang 31-anyos na si Almira Shane De Leon, na gumagamit ng DIY veneers matapos siyang mabungi.
Bata pa lang, hilig na raw ni De Leon ang mga matatamis gaya ng tsokolate at candy, at hindi rin siya madalas magsipilyo. Ngunit taong 2017, sumakit ang kaniyang front teeth at nagkaroon ng malalim na butas kaya pinabunot na niya ito kalaunan.
Dahil sa bungi ng kaniyang ngipin, nawalan siya ng confidence sa sarili at lagi nang nagsusuot ng mask.
Nahihirapan din si De Leon na kumain.
Hanggang sa madiskubre ni De Leon ang DIY veneers na nagte-trending online sa halagang P100 hanggang P200 lamang.
Resin ang pangunahing sangkap ng DIY veneers, na tinutunaw sa mainit na tubig para lumambot. Saka naman ito ihuhulma sa ngipin.
Matapos patuyuin ng ilang minuto, handa na ang kaniyang pearly white teeth.
Gayunman, hindi maiwasang matakot ni De Leon sa kaniyang ginagamit na produkto.
Ayon sa dentistang si Dr. Maureen Ines-Manzano, ang dental veneers ay isang attractive covering para ma-enhance ang size, shape at color ng ngipin para magkaroon ng “beautiful smile.”
Mayroon itong dalawang klase. Una ang direct veneers na ginagamitan ng nano-reinforced composite material at direktang ihuhulma sa ngipin, na may halagang P8,000 hanggang P10,000.
Samantala, ang indirect veneers naman ay ginagamitan ng ceramic o porcelain, at kinakabit sa pamamagitan ng resin cement. Nagkakahalaga ng P20,000 hanggang P25,000 kada piraso ang indirect veneers.
May kamahalan man, ito ang inirerekomenda ng mga eksperto dahil kung hindi sigurado sa produkto, maaari itong magdulot ng impeksiyon, tulad ng dental caries, gingivitis o periodontitis o Temporomandibular joint disorder.
Nang ipatingin kay Dr. Manzano ang mga ngipin ni De Leon, may napansing butlig sa kaniyang gilagid.
Posible kayang dahil sa materyales sa DIY veneers na kaniyang ginamit ang naturang butlig? Tunghayan sa video ng "Pinoy MD." --FRJ, GMA Integrated News