Ikinamangha ni Doc Nielsen Donato ang isang “mahiwagang” musang na nasagip dahil sa kulay puting balahibo nito sa halip na itim o orange sa Lipa, Batangas. Ano nga ba kondisyon ng naturang hayop na nagdulot ng kaniyang kakaibang hitsura?
Sa “Born To Be Wild,” tinungo ni Doc Nielsen ang tahanan ni Rezzle Sembrano, na siyang sumagip sa dalawang batang musang.
Ngunit ayon kay Sembrano, “mala-engkanto” ang isa sa mga nasagip niyang Asian Palm Civet o musang.
“Kasi po first time kong makakita ng ganu’ng kulay, kulay orange ang nanay. ‘Yung anak niya po noong nalaglag sa puno ay kulay puti naman,” sabi ni Sembrano.
Kasamang nasagip ni Sembrano ang isa pang musang na itim ang balahibo. Dalawang linggo nang pansamantalang kinukupkop ni Sembrano ang dalawang batang musang, at inalagaan na nila ito na tila mga bagong silang na sanggol.
“Talagang nalilihis ang aking atensyon dito sa puti na ito. Kapag mga ganito itim ang mata, itim ang nguso,” paliwanag ni Doc Nielsen tungkol sa mga musang.
Sa pagsusuri, napag-alamang mayroon palang leucism o genetic abnormality kung saan may kakulangan sa pigmentation ang balahibo ng puting musang.
Iba ang mga leucistic na hayop sa mga albino, na mayroong pulang mga mata, at puti ang ilong at eyelids.
Ngunit ang mga leucistic ay may itim ang mga mata.
Kahit na maganda sa paningin, mahihirapan mabuhay sa ilang ang isang leucistic na hayop dahil kulang ang kanilang melamine production na kanilang kailangan para sa malinaw na mata.
Mahihirapan din silang magtago kung puti ang kanilang balahibo.
Kasama ang Department of Environment and Natural Resources, dinala ng Born To Be Wild ang mga musang para sanayin silang mabuhay sa ilang o wild.
“Ang survival ng mga civets na ito nakasalalay sa tao. Kung hindi natin sila pakikialaman at maraming pagkain dito, magsu-survive itong puting musang na ito tsaka itong kasamahan niya,” sabi ni Doc Nielsen.
Minabuti ng DENR na ipakilala sa mga musang ang wild o ilang at sanayin muna ni Sembrano, bago sila tuluyang pakawalan.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News