Cute man at may itinatagong lambing ang mga alagang pusa, kailangan pa ring mag-ingat dahil maaari pa rin silang magdala ng sakit, lalo na ang kanilang dumi. Ano nga ba ang impeksiyon na Toxoplasmosis, at paano ito nakaaapekto sa tao?
Sa “Pinoy MD,” sinabing maaaring makuha sa dumi ng mga pusa ang parasitiko na kung tawagin ay Toxoplasma gondii.
Ayon kay Dr. Kristel Jayne Medina, adult infectious disease expert sa UST Hospital, naninirahan sa mga pusa ang mga parasite ng Toxoplasma, kaya sila ang common carrier ng Toxoplasma gondii.
Dagdag pa niya, may mga cyst na nasa kapaligiran, na maaaring kainin ng mga daga. Mag-e-encyst ito sa daga, na posible namang makain ng pusa.
Kapag dumumi ang pusa, mauulit lamang ang cycle at kakainin ito ng ibang hayop.
Kaya maaari ring mapunta sa tao ang Toxoplasma gondii kapag nakakain ng kontaminado o hindi maayos na pagkaluto ng pagkain.
Sinabi ng mga eksperto na kapag naipasa ito sa tao, maaari itong maging sanhi ng cyst sa muscle tissue sa paligid ng puso, utak at mata.
Lubhang apektado ang mga taong immunocompromised o mahihina ang resistensiya, kabilang ang mga may HIV, dialysis patients, cancer patients at transplant patients.
Malatrangkaso ang sintomas nito tulad ng sakit sa ulo at katawan, pagkapagod at pamamaga ng lymph nodes.
Ang pinakamalala at pinakainiiwasang maapektuhan nito ang utak na maaaring magdulot ng encephalitis, o puso sa anyo ng myocarditis at baga bilang pneumonitis.
Kaya naman ipinagbabawal sa mga buntis ang pag-aalaga ng pusa dahil sa maternal fetal o vertical transmission.
Ang pinakamalala na maaaring mangyari ang ocular toxoplasmosis kung saan naaapektuhan ang retina ng mata.
Alamin sa Pinoy MD ang mga hakbang na maaaring gawin para maiwasan ang Toxoplasmosis kahit may alagang mga pusa. —VBL, GMA Integrated News