Kung dati ay nagiging dahilan para maging tampulan ng tukso ang isang tao kapag malaki ang dalawang ngipin sa harap o "bunny teeth," ngayon, nagiging uso na ito at puwede pang ipagawa. Pero ano ang mga dapat tandaan kapag ipinagawa ito? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Pinoy MD,” ipinakilala si Kyla Dungo, na insecurity daw ang maliliit na ngipin.
“Noong elementary ako lagi akong inaasar na ‘Mickey Mouse’ which is nakaka-offend. Elementary to high school lagi akong nabu-bully because I have sungki teeth, which is talagang nakaka-insecure,” sabi ni Dungo.
Kaya naman bata pa lamang, hirap siyang kumain, at kailangan niyang magpa-adjust at magpalinis sa dentista.
Pangarap ni Dungo na maging isang flight attendant, kaya nagpasiya siyang magpa-makeover ng ngipin at magpalagay ng bunny teeth.
Ang bunny teeth ang kondisyon kung saan mas matalim at mas nakaabante sa unahang bahagi ng bibig ang dalawang frontal teeth kumpara sa ibang mga ngipin.
“Hindi naman siya advisable talaga, depende pa rin sa preference ng bawat pasyente. Ang bunny teeth kasi is more on sa aesthetic side,” sabi ni Dr. Leigh Ann Espejo-Mallari, Endodontics & Orthodontics, ng Espejo Dental Care.
Incisors ang tawag sa matalim na ngipin sa harapang bahagi ng ating bibig. Sinabi ng mga eksperto na nagiging permanente ito kapag anim hanggang walong taong gulang na ang isang tao.
Magiging depende ang haba nito sa alignment ng ngipin at panga.
Nasa P3,000 kada ngipin ang pagpapagawa ng bunny teeth.
Tunghayan sa “Pinoy MD” kung paano dinugtungan ang dalawang ngipin ni Dungo para bahagyang humaba at magmukhang bunny teeth.
Alamin din ang mga posibleng epekto kung masyadong mahaba ang bunny teeth. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News