Nagkagulo ang isang ang pamilya sa Taysan, Batangas nang aksidenteng malunok ng isang bata ang buto ng rambutan at bumara sa kaniyang lalamunan. Nakaligtas kaya ang bata?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing paborito ng anim na taong gulang na si Cassey ang rambutan.
Hapon noon ng Agosto 11 nang humingi si Cassey ng rambutan sa kaniyang lola na si Betty Hernandez Matriano.
Pero sa gitna ng pagkain ni Cassey ng naturang prutas, bigla na lamang siyang nabilaukan matapos malunok ang buto na bumara sa kaniyang lalamunan.
“Ang narinig ko lang ‘Aahh aahhh, Mama!’” kuwento ni Rodel Hernandez, ama ni Cassey.
“Ang tigas po ng pagbigkas sa akin na parang iba ang boses,” ayon naman kay Marivic Hernandez, nanay ni Cassey.
“Narinig ko na lang po ‘yung tatay at ‘yung mommy sigaw nang sigaw ‘Tita, tita si Cassey!” sabi ni Matriano.
“Nataranta na ako, hindi ko na alam ang gagawin ko. Sabi ko ‘Panginoon, tulungan niyo kami,’” sabi pa ni Rodel.
Sumaklolo ang tiyahin ni Cassey na si Janice Hernandez Perez, na isinagawa ang Heimlich Maneuver sa bata.
Ngunit sa pang-apat na pag-ipit niya sa bahagi ng sikmura ng bata para maiuluwa ang buto, nawalan na ito ng malay.
Dito na nagpasya ang pamilya na tumawag ng ambulansiya at dalhin sa ospital si Cassey, na maputla na at maitim ang umano loob ng bibig.
Pagkarating sa ospital, kinailangang i-intubate si Cassey.
Agad namang nakuha ang buto ng rambutan na bumara sa lalamunan ni Cassey. Ngunit sa kasamaang-palad, hindi na siya nailigtas.
Paano nga ba sasaklolohan o tutulungan ang isang tao kung may bumarang bagay sa kaniyang lalamunan o nabilaukan? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News