Isa sa mga ipinagmamalaki ng Bicol ang kanilang masasarap at maaanghang na gata dishes. Katulad ng pinangat na gawa sa gata, sili at dahon ng gabi. Ang putaheng ito, nagsilbing paraan ng isang ina para mapagtapos niya sa pag-aaral ang kaniyang mga anak. Alamin kung paano ito lutuin.

Sa programang “I Juander,” ipinakilala si Jomar Nocedo ng Camalig, Albay, na nagmula sa pamilya na mahigit 40 taon nang gumagawa at nagbebenta ng pinangat.

Ayon kay Nocedo, natutunan ng kaniyang inang si Zeny ang recipe ng pinangat mula sa kaniyang lola.  Marami daw kasing gabi na nakatanim noon sa paligid ng kanilang bahay.

Hanggang sa inilako ito ng kaniyang ina sa kalapit na bayan. Ang kita sa pinangat ang naging daan ni Nanay Zeny para mapagtapos niya sa pag-aaral ang kaniyang mga anak.

“Hindi lang po sa amin kundi sa mga gumagawa ng pinangat, natutulungan din po sila,” ayon kay Nocedo.

Ngunit noong 2018, na-stroke si Nanay Zeny kaya si Nocedo na ang nagtuloy sa kanilang negosyo.
 
“Ever since po na nag-aaral kami, natulong po kami sa kanila. Hindi po namin hinahayaan na sila lang ang gumawa at kahit po paano, dahil sa araw-araw naming hanapbuhay kaya sa tagal ng panahon, natutunan ko rin ito at kumikita araw-araw,” sabi ni Nocedo.

Sa isang araw, nakauubos si Nocedo ng mahigit kumulang 150 piraso ng pinangat, at kumikita ng mahigit P15,000 kada linggo, o P60,000 sa isang buwan.
 
Tunghayan sa I Juander"" ang recipe ni Nocedo sa paggawa niya ng patok na pinangat. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News