Isang warehouse sa Valenzuela City ang dinadagsa ng mga mamimili na gustong makamura. Ang mga produkto raw kasi rito na "patapon" na, bagsak-presyong mabibili lalo na tuwing "Happy Hour."
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo" ni Chino Gaston, makikita sa video ang pag-uunahan ng mga tao sa pagkuha ng mga tinatawag na "premium" items sa "Happy Hour" na ginagawa tuwing Linggo ng 3:00 p.m.
Ayon sa mag-asawang Carlo at Precilla Sito, na may-ari ng naturang negosyo, nakukuha nila ang mga produkto na itinuturing "non-moving stocks" o masasabing "patapon na mula sa mga kompanya.
Dahil mura din nilang nakukuha ng bultuhan ang mga produkto, bagsak-presyo din nila itong ibinebenta sa mga tao.
Iba't ibang produkto ang mabibili sa warehouse gaya ng mga damit, appliances, gadgets, sapatos, mga gamit sa kusina, at iba pa.
Puwede ang mga walk-in at puwede rin ang mga nais na bumili nang maramihan. Ang pinaka-inaabangan umano ang "Happy Hour" tuwing Linggo ng 3:00 pm kung saan nakareserba ang mga tinatawag na "premium" items.
Ayon kina Carlo at Precilla, plano nilang gawing araw-araw ang "Happy Hour" kapag naging maayos na ang lahat sa proseso ng kanilang warehouse.
Bukod daw sa nakatutulong sila sa mga kompanya at maging sa mga mamimili, nakatutulong din ang kanilang negosyo sa kalikasan dahil hindi tuluyang mapupunta sa basura ang mga produktong "patapon" na. Panoorin ang buong ulat sa video. --FRJ, GMA Integrated News