Nakatikim ka na ba ng isdang "tampal puke?' Ang "binulbol" na mas masarap kung may nilagang itlog na pinipilahan sa isang kainan sa Pangasinan, nasubukan mo na ba?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica," madidinig sa palengke ng Malabon ang ilang tindera na isinigaw ang kanilang tindang "tampal puke," na tinatawag ding isdang dapa.
Ang hitsura ng isdang ito, malapad, makinis at katakam-takam umano lalo na kung sariwa.
Sinasabing bihirang makahuli ang mga tampal puke dahil sa pusod o sa ilalim ng dagat karaniwang namamalagi ang mga naturang isda.
Nitong nakaraang mga araw, nagtataka ang ilang mangingisda sa Noveleta sa Cavite, dahil madalas na may sumabit sa kanilang lambat na mga tampal puke.
Naibebenta raw nila ang naturang isda ng P20 hanggang P50 ang bawat kilo, depende sa sukat.
Samantala, isang kainan naman sa San Carlos City sa Pangasinan, dinadagsa ng mga parokyano ang ipinagmamalaki nilang pagkaing pang-agahan na "binulbol."
Ang binulbol, mas katakaw-takaw daw kapag sinamahan ng nilagang itlog.
Malaki ang pagkakahawig ng binulbol sa lugaw.
Nilalagyan din ito ng piniritong bawang, at karne ng baka, na patok sa kumakalam na sikmura.
Sa Laoag, Ilocos Norte, may tanim o gulay na inihahalo sa lutong dinengdeng na kakaiba rin ang pangalan: ang "utong" at "kabatiti."
"Kapag naririnig po ng iba na natatawa sa word na kabatiti at utong ay parang natatawa na rin ako. Kasi parang ang sagwa naman talagang pakinggan," ayon sa magsasakang si Jonathan.
Utong ang tawag ng mga Ilocano sa sitaw, at patola naman ang tinatawag na kabatiti.
Papaano nga ba magluto ang tampal puke, binulbol, at ang healthy na dinengdeng na may utong at kabatiti? Panoorin ang buong kuwento sa video. --FRJ, GMA Integrated News