Katulad ni Levi nakahanda rin ba natin iwan ang komportableng buhay para sumunod kay Hesus? (Lucas 5:27-32)

GAANO ba tayo kahanda para iwanan ang isang komportableng buhay para sumunod kay Hesus? Kaya ba natin isakripisyo ang ating “comfort zone” kapalit ang pagyakap sa tinatawag na “religious life?”

Hindi naman nito hinihingi na pumasok tayo sa kumbento para maging isang madre o pari. Kundi, ang pamumuhay na naaayon sa kalooban ng Panginoon katulad ng pagdadasal, palagiang pagsisimba at higit sa lahat pagsunod sa Sampung Utos ng Diyos, lalo na ang pag-ibig sa ating kapwa.

Sa ating buhay dito sa ibabaw ng lupa, kailangan natin mamili kung anong klaseng buhay ang gusto nating mangyari--ang mamumuhay ba ka sa tama o maling landas? Binigyan tayo ng utak at kalayaan ng Diyos para tayo na mismo ang guguhit ng ating kapalaran.

Kaya mali ang sinasabi ng iba na kaya sila nalulong sa ilegal na droga o napariwara ay dahil iyon ang kanilang kapalaran at kagustuhan ng Diyos. Kailan ba naman ginusto ng Panginoong Diyos na mapahamak ang Kaniyang nilalang? Kaya sila nagkaganyan ay dahil iyon ang pinili nilang buhay.

Sa Mabuting Balita (Lucas 5:27-32) mababasa natin kung papaanong iniwan ni Levi o Mateo (9:9-13) ang lahat, kabilang na ang kaniyang kabuhayan at yaman, para sumunod kay Hesus. Ito ay matapos siyang tawagin ng Panginoon habang siya’y nakaupo sa kaniyang puwesto bilang maniningil ng buwis.

Iniwan ni Levi ang isang komportableng buhay para sumunod sa landas ni Hesus. Kung tutuusin, hindi naman siya magkakapera sa Kaharian ng Diyos. Ano ba ang mapapala ni Levi kung sumunod man siya kay Hesus?

Madadagdagan ba nito ang kaniyang kinikita? Mas malaki ang kinikita niya sa paniningil ng buwis dahil sa sobra-sobrang patong na sinisingil niya sa mga kababayan niyang Judio.

Marahil para kay Levi, ang kaharian ng Diyos ay tinatawag na “long term” habang ang kayamanan na materyal sa mundo ay “short term” dahil mauubos din ito. Ang ginagawa niyang pagpapatong nang sobra-sobra sa paniningil niya ng buwis ay isang malaking kasalanan sa Panginoon. Ang kasakiman sa salapi ay isang mabigat na kasalanan sa Diyos.

Kaya mas pinili ni Levi o Mateo ang tamang landas sa pamamagitan ng pagsunod niya kay Hesus. Hindi na baleng hindi siya kumita basta’t ang mahalaga sa kaniya ay tahimik ang kaniyang buhay at maliligtas pa ang kaniyang kaluluwa. Anong silbi ng kaniyang kayamanan kung mapapahamak naman ang kaniyang kaluluwa.

Ang mga kasalanan ay nasa anyong masarap at maginhawa na magdudulot ng kapahamakan kinalaunan. Katulad ng masasarap na pagkain ngunit makolesterol naman na sa pagtagal ng panahon ay magdudulot ng problema sa kalusugan.

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na habang maaga pa ay piliin natin kung ano ang tama. Tayo ba’y mamumuhay sa masarap ngunit ikakapahamak naman natin o sa mahirap pero makakabuti naman sa ating buhay bilang tao, bilang isang Kristiyano o Katoliko.

Maaari naman tayong mamuhay ng masarap gaya ng gusto natin ngunit pakatiyakin lamang natin na wala tayong inaagrabyado o sinasaktang iba. At magagawa natin iyan kung tatahakin din natin ang tamang landas ng Panginoon.

Hinahamon tayo ngayon ng Ebanghelyo na tularan natin si Levi habang may pagkakataon pa. Sapagkat laging nasa huli ang pagsisisi. AMEN.

--FRJ, GMA Integrated News