Single mom ang ina ni dating Pangulong Sergio Osmeña Sr., at ang nakatala sa mga libro na kaniya umanong ama ay base lamang noon sa hinala. Pero sa tulong ngayon ng DNA test, malalaman na kung sino ang tunay niyang ama pagkaraan ng 60 taon mula nang pumanaw siya.
Isinilang sa Cebu noong September 9, 1878, si Sergio ng kaniyang ina na si Juana Suico Osmeña. Dahil single mom, ang apelyidong Osmeña ang ginamit niya.
Kahit walang lumutang na lalaki na umako na anak niya sa Sergio, sa mga nakatala sa libro, pinaniniwalaan na ang ama ni Sergio ay ang negosyanteng si Don Pedro Lee Gotiaoco.
Gayunman, may mga hindi kumbinsido sa kuwentong ito. At sa halip, may mga naniniwala na ang tunay na ama ni Sergio ay ang negosyante rin na si Antonio Sanson.
Parehong pamilyado na nina Don Pedro at Antonio nang mabuntis noon si Juana. Posible umano na isa iyon sa dahilan kaya hindi lumantad kung sino man sa dalawa ang tunay na ama ni Sergio.
Pero may mga paniniwala rin na batid ni Sergio kung sino ang kaniyang tunay na ama ngunit pinili na lamang niyang sarilinin ito, at dalhin hanggang sa kabilang-buhay.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Annie Osmeña, apo ni Sergio, na minsan daw tinanong ni Senator John Osmeña ang kaniyang lolo kung sino ang ama nito.
"Ang naalala ko sa mga istorya, si Senator John Osmeña asked daw Lolo, 'Who was your father?' Stories lang ito, si Lolo Sergio daw slapped him slightly and told him, 'Never ask that question,'" pagbahagi ni Annie.
Ayon sa historian na si Resil Mojares, malapit ang ina ni Sergio na si Juana kay Don Pedro, na pinaniniwalaang ama ng dating pangulo.
Madalas daw bumisita noon si Don Pedro sa panaderya na pag-aari ng ina ni Juana. Habang sa tindahan naman ng pamilya ni Don Pedro bumibili ang gaas at posporo si Juana na ginagamit na ilaw.
Hinihinala na may pagtitinginan sina Juana at Don Pedro ngunit hindi na sila maaaring magkatuluyan dahil pamilyado na si Don Pedro.
"Everything is speculation," ani Mojares. "'Yung Gotiaoco story is the more popular version. Pedro Gotiaoco and the mother of Sergio Osmeña, were close friends. They knew each other because they all lived in the same block."
Ang isa pang pinaniniwalaan na ama ni Sergio ay si Antonio na may lupain sa Borbon. Ayon kay Maribel na apo ni Sergio, may nakapagsabi na bumibisita noon si Sergio sa Borbon.
Kaya posible umano na si Antonio ang kinikilalang ama ni Sergio.
"I am in contact with Michael Cullinane who's the foremost expert on Turn of the Century Cebu, talagang ang belief niya si Antonio Sanson. So he was saying na even as a child, Lolo Sergio would visit that big farm in Borbon. So supposed to be alam ni Lolo Sergio kung sino talaga ang father niya. As a matter of fact, during the Tres de Abril uprising, the Filipinos against the Spaniards, doon siya nagtago sa farm," kuwento ni Maribel.
Matagal na umanong ikinukonsidera ng pamilya Sanson na magsagawa ng DNA test para malaman kung sino ang tunay na ama ni Sergio. Pero sinabihan daw sila tungkol sa proseso na gagawin na nang panahon na iyon ay may kahirapan.
Hanggang sa makahanap sila ng bagong sistema kung papaano isasagawa ang DNA test na kakailanganin lamang ang specimen mula sa tatlong lalaki na mula sa pamilya ng Osmeña [kay Sergio], Sanson [kay Antonio] at Gotiaoco [kay Don Pedro].
"Ang importante dito is number one, lalaki 'yung ating kinunan ng sample kasi 'yung test natin was Y DNA test," paliwanag ni Genealogist Todd Lucero.
"Tinignan natin kung sino 'yung pinakamalapit na buhay na lalaki na anak ng lalaki, na anak pa rin ng lalaki na galing doon sa main natin na mga characters," patuloy niya.
Ang DNA specimens ay kinuha mula sa apo ni Sergio Sr., na si Tomas para sa pamilya Osmeña; si Ronnie, ang great grandson ng pinsan ni Antonio; ang isang miyembro ng pamilya ni Don Pedro na hindi na binanggit ang pangalan sa publiko.
Pagkaraan ng ilang linggo, lumabas na ang resulta ng DNA test, na napapanahon para sa paggunita ng ika-145th birth anniversary ng dating pangulo sa Setyembre.
"There is a 100% match in the DNA of the Osmeñas and the Sansons," ani Lucero. "It's also very genealogically accurate, that they share — remember the family tree, it was to the end of three to five generations, even if the sample is from a first cousin of Don Antonio Sanson."
Masaya ang pamilya Osmena at Sanson na nalaman na kung sino ang tunay na ama ni Sergio. Bukod dito, maitatama rin ang nakasaad sa kasaysayan tungkol sa pagkatao ng dating pangulo.
Ayon kay Lucero, ipadadala nila ang kopya ng resulta ng DNA test sa National Historical Commission of the Philippines, at posibleng maging sa Malacañang Museum and Library.
"Kung babaguhin ba nila 'yung like mga write-up tungkol kay Osmeña sa kanilang website, puwede naman 'yun," saad niya. "So 'yan 'yung challenge talaga. Sa rightful na authorities."
"Sa mga succeeding and future mga biographies at articles tungkol sa pagkatao ni Sergio Osmeña dapat i-mention ang pangalan ni Antonio Sanson because ngayon alam na natin na ama siya ni Sergio Osmeña," dagdag niya. "Hindi na siya tsismis."
—FRJ, GMA Integrated News