Confident sa kaniyang angking kagandahan at kaseksihan, isang dalaga ang nagdesisyong magpalagay ng hikaw sa kaniyang pusod. Ngunit sa gitna ng proseso, bigla na lang siyang hinimatay. Ano kaya ang posibleng dahilan?
Sa isang episode ng “Pinoy MD,” sinabi ni April Joy Guerra, na nagpalagay siya ng hikaw sa pusod para sa kaniyang “April 2.0” version.
“Naka-experience po ako ng bullying na ang payat ko raw po, malnourished. Doon po parang hindi ako confident sa katawan ko,” sabi ni Guerra.
Ngunit unti-unting natuto si Guerra na ipagmalaki ang kaniyang sarili anoman ang hugis ng kaniyang katawan.
“Ang dami po kasing nagsasabi na kakaiba ‘yung body ko kasi wala akong ginagawa, ang sexy ko pa rin pero bakit sila ganu’n. ‘Yung mga ganu’ng compliment sa akin thankful po ako na ganito ‘yung body ko,” anang dalaga.
Kaya naman sinunod niyang inilaban ang pagpapalagay ng hikaw sa pusod para i-level-up ang kaniyang confidence.
Ngunit bago pa man pumunta, aminado si Guerra na kinakabahan siya. Kumain naman siya at hindi nagpuyat. Naka-aircon din ang lugar kung saan ginawa ang paglalagay niya ng hikaw sa pusod.
Para masiguro ang kaniyang kaligtasan, pinili ni Guerra na talagang propesyonal ang maglalagay ng hikaw sa kaniyang pusod. Ngunit kahit mabilis ang proseso, bumagsak pa rin si Guerra.
Ayon kay Guerra, 10 minuto siyang walang malay kaya may ipinaamoy sa kaniya ang tila lambanog o matapang na alkohol para bumalik ang kaniyang ulirat.
“Ang reason po kung bakit ako nawalan ng malay is, ‘yun lang po talaga ‘yung reason nu’n. Wala pong something, walang kinalaman dito ‘yung butas. Safe naman po ‘yung ginawa sa akin. Wala pong wrong procedure and kumain po ako, mababa ‘yung pain tolerance ko,” sabi ni Guerra.
Ayon sa gumagawa ng navel piercing na si Paw Quiza, tolerable naman ang sakit sa naturang proseso. Pero kailangan na mayroon ding sapat na kaalaman sa magiging procedure.
“Ang importante, dahil katawan niyo ‘yan, may kinalaman sa kalusugan, kailangan nagtatanong kayo kung ano ang mga importanteng dapat malaman, lalo sa pag-aalaga. Ano ang mga gamit, anong klaseng mga hikaw ang gagamitin, ‘yung steel na mga dapat gamitin na hikaw. Dapat well-sanitized ‘yung ating mga piercing tools,” dagdag ni Quiza.
Sinabi naman ng general physician na si Dr. Gerald Belandres na walang masama sa piercing at maaari namang i-pierce ang kahit na anong parte ng katawan.
Ngunit nagpaalala siyang tiyaking magiging ligtas ang procedure, dahil maaari itong humantong sa impeksiyon.
Dapat ding mag-ingat sa pagpapabutas sa anomang bahagi ng mukha, dahil mayroong tinatawag na “danger triangle.” --FRJ, GMA Integrated News