Ang cervical cancer ang isa sa mga karamdaman na maaaring dumapo sa kababaihan. Dagdag na alalahanin sa kanila ang katanungan na maaari pa kaya silang mabuntis kapag gumaling mula sa naturang sakit.
Sa programang Pinoy MD, ipinaliwanag ni resident obstetrician-gynecologist Dr. Raul "Dr. Q" Quillamor, sa stage ng cervical cancer ang posibilidad na mabuntis pa ang pasyente.
Kung nasa early stage pa lamang, may surgical procedures na maaaring gawin para mailigtas pa ang matris, obaryo at cervix ng isang babae.
Sa conization biopsy, ang cone shaped na tissue lang ng cervix ang tinatanggal, habang inaalis naman sa trachelectomy ang cervix na apektado ng cancer.
Ngunit kung Stage 3 o 4 na ito, hindi na maaaring mabuntis ang isang babae dahil radiation na ang dapat na gamot dito.
ALAMIN: Pakikipagtalik, may kinalaman nga ba sa pagkakaroon ng cervical cancer?
Una rito, ipinaliwanag ng obstetrician-gynecologist na si Dr. Renee Sicam, na isa sintomas ng cervical cancer ang spotting o pagdurugo.
Nangunguna umano ang cervical cancer sa bansa dahil hindi lahat ng mga kababaihan ay may access sa screening upang maagapan ang naturang sakit.
Isang virus na tinatawag na Human papillomavirus (HPV) ang sanhi ng cervical cancer, na hindi naman namamana; hindi katulad ng ibang cancer.
"'Yung HPV na high risk, 'yun ang predominant most of the time, HPV 16 and 18. Kapag ang isang babae ay na-infect sa HPV 16 at 18 at hindi niya na-clear ang infection, kapag matagalan 'yung infection na 'yon, naaapektuhan niya 'yung kuwelyo ng matris," sabi ni Dr. Sicam.
Samantala, sinabi ni Dr. Q na hindi ipinagbabawal ang pakikipagtalik kapag buntis ang isang babae.
Ipinagbabawal lamang ito kung siya ay may history ng premature labor, may spotting sa kaniyang pagbubuntis, may contraction sa matris, kung siya ay nakararanas ng pre-term labor, o kung may impeksiyon o discharge na lumalabas sa puwerta.
Hindi rin umano maaaring makipagtalik ang isang babae kung may watery discharge, na senyales na pumutok na ang kaniyang panubigan. --FRJ, GMA Integrated News