Marami ang nag-alala para kay Boobay nang bigla siyang napatigil at hindi makapagsalita nang makaranas ng “silent seizure” sa gitna ng panayam noong nakaraang buwan. Ano nga ba ang silent seizure na maaaring tumama kahit sa mga kabataan? Ano ang mga trigger nito, papaano maiiwasan, at ano ang dapat gawin kapag may kasamahan na nakaranas nito?
Sa programang “Pinoy MD,” ipinaliwanag ni Dr. Jose Antonio Pantangco, neurologist sa The Medical City, na dahil dati nang na-stroke si Boobay, may risk na siya na magka-temporal seizure.
Kadalasan daw na nangyayari ang silent seizure sa mga kabataan. Pero maaari din itong mangyari sa mga matatanda dahil sa mga naunang kondisyon gaya ng stroke, dementia o brain tumor.
Ayon pa kay Pantangco, literal na “silent” ang silent seizure dahil wala itong sintomas o babala bago umatake sa isang tao.
“Ang nangyayari is nagba-blank staring lang po, nakatulala lang ang isang tao. Usually seconds lang ito, minsan less than one minute. During that time, hindi aware or ‘absent’ ‘yung pasyente kaya hindi siya nakapagsasalita, hindi siya nakaiintindi,” anang doktor.
Ayon kay Dr. Pantangco, posibleng triggers o pagmulan ng silent seizure ang flashing lights, pagod at puyat.
Ang overseas Filipino worker sa Taiwan na si Patricia Angeles, 23-anyos lang, biglang napatigil din sa gitna nang kuwentuhan, bago tuluyang nawalan ng malay habang naglilibang kasama ang kaibigan.
Wala raw siyang naramdamang pananakit ng ulo o paghina ng katawan. Pero habang nagkikipagkuwentuhan, tila nag-hang si Angeles at hindi na maintindihan ang sinasabi.
“That that time po kasi sa pagbo-bowling meron pong biglang nag-flashing light sa bowling area. Isa rin daw po ‘yung nakadagdag ‘yung pagod at puyat sa trabaho at kasama na rin ang stress,” sabi ni Angeles.
Ayon kay Angeles, matapos ang pag-atake ng silent seizure sa kaniya, wala siyang maalala sa mga nangyari sa kaniya.
Pinayuhan ng doktor si Angeles na huwag magpakapagod dahil posible na itong maulit sa kaniya.
Kung may kasama naman na nakaranas ng silent seizure, dapat umanong hayaan ang pasyente na nakahiga, huwag iuupo o itatayo dahil maaaring bumagsak ito at mabagok ang ulo.
Hintayin na bumalik ang malay ng pasyente at saka siya dalhin sa pagamutan, o hintayin ang medical personnel kung mayroon. —FRJ, GMA Integrated News