Hindi maiwasan ng ilang residente na tawaging “aswang” ang isang ginang dahil tila nalulusaw na kandila ang kaniyang mukha sa San Pedro, Laguna. Ano kaya ang kaniyang kondisyon, at maisasaayos pa kaya ang kaniyang mukha?
Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Katrina Son, sinabi ng neurologist na si Dr. Jennifer Manzano ang tawag sa kondisyon ni Marissa ay neurofibromatosis, na isang genetic disorder kung saan naaapektuhan ang nervous system kaya lumalabas ang mga tumor sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
“Nagkakaroon talaga ng fibroma o abnormal na growth. Parang tumor din siya. Pati ‘yung mga laman na nasa loob ng balat. Kasi ‘yung balat natin merong tissue o laman pa rin sa ilalim, so malamang sa kaniya, pati ‘yung nasa ilalim nagkakaroon ng maliliit na tumor,” sabi ni Dr. Manzano.
“Ito ay nangyayari dahil merong abnormal na pagtubo ng iba’t ibang klaseng tumor sa iba’t ibang parte ng katawan,” dagdag ni Manzano.
Paliwanag ni Manzano, may tatlong klase ng neurofibromatosis: ang neurofibromatosis 1 (NF1) kung saan ang mga tumor ay tumutubo sa balat, nerves, buto at iris ng mata at ibang parte ng katawan; ang neurofibromatosis 2 (NF1) kung saan tumutubo ang mga tumor sa iba’t ibang parte ng nerves ng katawan tulad ng nasa utak, nasa spinal cord o mga malayo sa utak at spinal cord; at ang schwannomatosis, kung saan tumutubo ang mga tumor sa mga tumatakip sa nerves.
Sa kondisyon ni Marissa, meron siyang neurofibromatosis 1 o NF1, na genetic kaya hindi nakahahawa.
Kahit walang paraan para maiwasan ang neurofibromatosis, posible naman itong matukoy nang maaga.
Maaari pa ring matanggal ang mga tumutubong bukol sa pamamagitan ng surgery. Gayunman, kahit daw operahan ay magkakaroon ulit ng mga tumor at magpapaulit-ulit lamang ito, ayon kay Manzano.
Kaya kung si Marissa ang tatanungin, wala na siyang balak magpa-opera.
“Hindi na po kasi sa edad ko na rin pong ganito mahirap na. Okay lang kung bata-bata pa ako, talagang papayag na po ako… Masakit po sa loob ko kaso po anong magagawa ko, ito ang binigay sa akin ng Panginoon kaya po tanggap ko na rin po,” sabi ni Marissa.
Sa mga nais tumulong kay Marissa, maaaring makipag-ugnayan sa kaniyang kapatid na si Saldy Sernal sa 0948 605 8501. —Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News