Mula sa pagiging carwash boy at janitor, nakapagpundar na ng tatlong bahay at isang sasakyan ang isang lalaki sa Caloocan matapos siyang maging isang antique collector.
Sa “Ang Antique at ang Gen Z” na dokumentaryo ni Atom Araullo sa I-Witness, ipinakilala si Danny na punong puno ng mga antigong gamit sa bahay.
Kabilang sa kaniyang kinokolekta ang mga lumang bote, kutsara at tinidor, at mga vintage na laruan.
“Sa dami ng items mo hindi mo alam kung saan mo ilalagay… Halos adik na ako sa antiques eh. Minsan one time ‘yung isang bagay na hindi ko nakuha, hindi ako nakakatulog,” sabi ni Danny.
Ang kaniyang pagiging kolektor ang naging susi sa pag-asenso ni Danny sa buhay.
Bukod sa pagiging carwash boy at janitor noon, merchandiser din si Danny sa Maynila.
“Nag-research ako, nag-ikot ako sa mga antique shops. Doon ako nawili pagdating sa antiques. Ito na, tuloy-tuloy na, ginawa ko nang hanapbuhay,” sabi pa ni Danny.
Dahil dito, nakapagpundar na siya ng tatlong bahay at isang sasakyan.
Nagsimula si Danny sa pangongolekta ng Spanish coins na umikot noon sa Pilipinas.
“As picker ka, collector ka, halos ‘yung kinokolekta mo ayaw mong pakawalan. May one time na ganu’n na walang wala ka tapos ibebenta mo. Nanlulumo ka dahil personal collection mo na ‘yun eh,” sabi ni Danny.
Isa sa mga itinuturing na alamat sa mundo ng “picking” si Kyle o mas kilala bilang ang “Filipino Picker.”
Ipinasyal ni Kyle si Atom sa isang thrift shop para ituro kung paano sumuri at mangolekta ng mga antigo.
Para kay Kyle, isang paraan ang pag-aantique para pahalagahan ang kasaysayan at kultura, dahil nakikita ang kuwento ng ating bansa kahit sa mga simpleng bagay.
Para kay Kyle, ang pinaka hindi niya malilimutang antigong nabili ang signage ng Harrison Plaza.
Kinausap pa niya ang security guard, parking boy, at isang taong nag-demolish na dapat sana’y maghahati-hati sa signage.
“Ang dami kong binayaran du’n,” natatawang sabi ni Kyle. “Pero para sa akin, when I was a kid, doon ako dinadala ng parents ko. And when I did further research, ‘yun pala talaga ‘yung very first big mall dito sa Philippines. Noong giniba ‘yon sabi ko I have to get a piece of it na maitago. ‘Yung may mga talagang tatak sa history, ‘yun po talaga ‘yung kino-collect namin at hinahanap.”
Para kay Kyle, may natural na pagpapahalaga ang mga Pinoy pagdating sa kasaysayan.
“The answer is a big yes. Two things. ‘Yung isa ‘yung nostalgia part which is the right thing. The other part is the hoarding part, na ayaw nating itapon kasi they have the sentimental attachment pa rin,” sabi ni Kyle.
“‘Yung mga lolo o lola natin, meron talagang mga iba na meron na kaming napasok na bahay, nag-o-offer na kami ng napakalaking amount, ‘it dies with me’ sabi ng may-ari,” dagdag ng beterano sa pag-aantique.
Ikinatuwa naman ni Kyle na dumarami ang nahihilig sa pag-aantique, at mas lalo pang lumalaki ang mga grupo nito.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News