Madalas tawaging antique o antigo para ilarawan ang mga lumang bagay na itinuturing pangkoleksyon. Pero ano nga katangian na dapat taglay ng isang bagay para masabing antigo o kaya naman ay vintage? At papaano ito puwedeng gawing hanapbuhay?
Sa dokumentaryo ni Atom Araullo sa "i-Witness," sinabing para ituring na antigo ang isang bagay, dapat daw na 100 taon pataas na ang edad nito.
At kung hindi pa ganoong katanda ang bagay, puwede itong tawaging vintage.
Ngunit antigo man o vintage, ang mga lumang bagay, maaaring pagkakitaan, at may kaniya-kaniyang halaga.
Ang ilan sa mga tinatawag na "picker" o naghahanap ng mga lumang bagay para gawing koleksiyon o ibenta gaya ng 24-anyos na si Ann, sa mga junk shop nagpupunta.
Suki si Ann ng junk shop ni Lani Gabon, na itinatabi ang mga lumang bagay na ibinibenta sa kaniya bilang kalakal.
Aminado si Gabon na hindi niya alam kung antigo o may halaga ang mga lumang bagay na dinadala sa kaniya.
"Basta kakaiba, kahit hindi ako siguradong antigo itinatabi ko. Bahala nang mamili yung nag-a-antique kung puwede o hindi," ani Gabon.
"Doon sila magaling, oras na makita na nila, alam nila kung puwede o hindi. Kami hindi namin alam 'yon," dagdag niya.
Ayon kay Ann, nagsimula siyang pumasok sa paghahanap at pagbebenta ng mga lumang bagay nito lang magkaroon ng pandemic.
Kuwento niya, inutusan siya noon ng kaniyang ama na kunan ng litrato ang lumang aparador ng kaibigan nito, at i-post sa Facebook para ibenta.
Ayon kay Ann, sira na at "gutay-gutay" na ang naturang aparador. At laking gulat niya nang sabihin ng kaniyang ama na ialok ang aparador sa presyong P10,000.
"Sabi ko, 'Ha?! sampung libo? Maski kako sino hindi bibilhin 'yan. Tingnan mo ka'ko hitsura niyan. Nung pinost ko po siya, wala pang five minutes, dinagsa po ako ng comment," sabi ni Ann.
Pero magkano nga kaya ang kita mula sa pagbebenta ng mga antigo at vintage na gamit? Naging maingat si Ann na sabihin ang halaga na kinita niya sa kaniyang ginagawa.
Subalit ibinahagi ng dalaga na mayrooon siyang isang bagay na naibenta na ang kinita niya, ipinambili niya ng motorsiklo.
--FRJ, GMA Integrated News