Buhay na patunay na itinuturing si Julius Ladigohon na sadyang mapaghimala at natutupad ang mga kahilingang inilalapit sa Our Mother of Perpetual Help sa Baclaran o ang Ina ng Laging Saklolo. Ang dati kasing janitor sa simbahan na pangarap umasenso sa buhay, isa na ngayong matagumpay at milyonaryong CEO ng sarili niyang kompanya.
Laki sa hirap si Ladigohon, na tumutulong noon sa pamilya sa pagkuha ng mga kahoy para gawing uling. Pangarap niya na noon na maging isang pari, at sa simbahan na siya halos lumaki.
Nag-sideline rin si Ladigohon bilang tagagawa ng proyekto ng kaniyang mga kaklase kung saan binabayaran siya ng P2 hanggang P5 para makakain ng tanghalian.
Umaasa si Ladigohon na makakaahon sila sa kahirapan kaakibat ng pangarap niyang makapagtapos ng pag-aaral.
Kaya mula Pangasinan, lumuwas ng Maynila si Ladigohon sa pag-asang makapagtrabaho para pag-aralin ang sarili sa kolehiyo.
Naging takbuhan niya ang Baclaran Church, at doon niya nakilala ang dating kura paroko na si Fr. Thom Hodgins.
Dito, inalok siya na maging working student bilang janitor, at nag-aalis ng mga kandilang nakadikit sa sahig. Binibigyan siya ng sahod noon na P3,000 kada buwan, kung saan ang kalahati, ipinapadala niya sa probinsiya.
Pagkaraan ng dalawang taon, kinuha ng simbahan si Ladigohon bilang scholar. Pero nagpatuloy pa rin siya bilang working student.
“Hindi ako nahihiya na nagtatrabaho ako as janitor, proud pa nga ako eh. Nandoon ‘yung hirap na pagsabayin, uuwi ka 11 p.m. tapos gigising ka kinabukasan ng 6 a.m. para pumasok sa trabaho. Maaaring ‘yung pagod naramdaman ko sa katawan pero sa puso’t isipan hindi,” sabi ni Ladigohon.
Pagkalipas ng limang taon, nakapagtapos si Ladigohon sa kursong BS Customs and Administration.
Mula sa pagiging janitor, naging clerk sa isang logistics company si Ladigohon, at dito na rin siya bumuo ng pamilya.
Na-promote bilang Vice President kalaunan si Ladigohon sa kanilang kumpanya, ngunit hindi siya nakampante at naisip magkaroon ng sarili nilang logistics company.
Sa suporta ng kaniyang misis na si Eleonor, itinayo ni Ladigohon ang sarili nilang logistics company, na unti-unting lumaki at umasenso.
Kaya mula sa pagiging janitor noon sa simbahan, isa na ngayong CEO ng kaniyang sariling kumpanya.
Sa kaniyang pagiging CEO, nakapagpundar na sila ng kaniyang misis ng dalawang bahay, condo unit at dalawang farm. Nakabili na rin si Ladigohon ng mga mamahaling sasakyan.
“After ng ilang hirap, ‘yung blessing ang ibinigay,” sabi ni Ladigohon.
Kaya bilang pasasalamat, plano ni Ladigohon na magtayo ng scholarship program para sa mga gaya niyang hirap ngunit karapat-dapat na mga estudyante.
Binabalik-balikan naman ni Ladigohon ang Baclaran Church na tumupad sa kaniyang mga pangarap.
Bilang pasasalamat, sumulat si Ladigohon ng liham tungkol sa kung paanong hindi naging maramot sa kaniya ang Ina ng Laging Saklolo.
Tunghayan at humugot ng inspirasyon sa kuwento ni Ladigohon sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho." -- FRJ, GMA Integrated News