Napag-alaman sa programang "Pinoy MD" na puwede rin palang magkaroon ng acne ang mga sanggol. Ano nga ba ang dapat gawin kapag nangyari ito kay baby at papaano maiiwasan?
Ayon sa first time mom na si Ronalyn Sopoco, dalawang linggo pa lang matapos niyang isilang ang kaniyang anak na si Baby Daven, may napansin na siyang lumabas sa mukha nito na mamula-mula.
Dahil first time mom, kinabahan daw si Ronalyn sa nangyari sa anak. Kaya naisipan niyang magtanong sa mga kagaya niyang mommy.
Iba't ibang sagot at solusyon naman ang natanggap ni Ronalyn at sinunod niya ang iba rito. Kabilang dito ang paggamit ng iba't ibang produkto ng sabon.
"After one week na hindi gumana yung sabon, ibang sabon na naman ang ginamit ko," kuwento niya.
Pero sa halip na mawala ang mamula-mula sa mukha ng kaniyang baby, lalo pa itong lumala at nagbalat na rin ang noo ng bata.
May napansin din siyang lumalabas na nana sa tainga ni Daven.
Nang ipatingin na ni Ronalyn sa pediatrician ang kaniyang baby, doon niya nalaman na neonatal acne ang lumabas sa mukha ni baby Daven.
Normal lang naman daw sa mga sanggol na kapapanganak ang magkaroon ng neonatal acne, ayon kay Dr. Paulo Angeles.
Bagaman hindi pa batid kung ano ang dahilan ng pagkakaroon ng mga baby ng neonatal acne, sinabi ni Angeles, na mayroon mga hinala na maaaring sanhi ito ng hormones, gaya ng maternal at new born hormones.
Pero kung tutuusin, kusa naman daw itong mawawala. Sa kaso ni baby Daven, sumubok agad ang kaniyang mommy ng iba't ibang produkto na maaaring lalong naka-irritate sa balat ng bata.
Paalala ni Angeles, sensitibo ang balat ng mga sanggol kaya dapat ingatan.
Maging ang halik, lalo na ang mga may bigote o balbas, ay maaaring maging sanhi para ma-irritate ang pisngi ng sanggol.
Kung hindi umano nawawala ang neonatal acne ng baby at may kasama nang ibang problema tulad ng lagnat, makabubuting ipatingin na sa duktor ang bata.
Makabubuti rin umano kung mga hypoallergenic body wash ang gamitin sa baby para walang taglay na matatapang na kemikal na posibleng makasama sa skin ni baby.
Panoorin ang buong talakayan sa video ng "Pinoy MD" para sa mga tips sa pangangalaga sa skin ni baby. --FRJ, GMA Integrated News