Bilang mga Kristiyano, dapat nating ibigin at patawarin ang ating mga kaaway dahil ganoon din ang Diyos sa atin (Mateo 5:43-48)

KAYA mo bang patawarin ang taong nakagawa sa iyo ng kasalanan? Lalo na iyong tao na alam nang may nagawang atraso sa'yo pero sa halip na humingi ng paumanhin ay mistula pang nagmamalaki?

Kapag ganito ang asal ng taong nagkasala sa atin, malamang na lalo kang magpupuyos sa inis. Makakaisip ka tuloy nang hindi maganda para lang makaganti.

Kung mahina marahil ang iyong pananalig o pananampalataya sa Panginoong Diyos, baka nga madali kang lamunin ng iyong galit. Hanggang sa tuluyan kang bulagin ng iyong emosyon. Katulad ng nangyari sa kuwento nina Cain at Abel sa Aklat ng Genesis. (Genesis 4:1-16)

Hindi madali ang magpatawad sa ating mga kaaway. Subalit mas mahirap ang magkimkim ng sama ng loob sa ating kalooban. Hindi madali ang magpatawad ngunit kung tayo'y mananalangin sa Panginoon, gagabayan Niya tayo kung papaano ito mauumpisahan.  

Itinuturo sa atin ng Mabuting Balita (Mateo 5:43-48) na ibigin ang ating mga kaaway at ipanalangin ang mga taong umuusig sa atin. Sapagkat tayo mismo na mga makasalanan ay nagawang ibigin ng Diyos at Kaniyang pinatawad.

Kung tutuusin pa nga, paulit-ulit tayong nagkakasala, at paulit-ulit tayong pinapatawad at inuunawa ng Diyos. Kaya may kasabihan na kung ang Diyos ay nagawang magpatawad, sino tayong mga tao para hindi magpatawad?

Ang mga pilosopo, maaaring ikatwiran naman na hindi naman tayo Diyos kaya bakit tayo magpapatawad? Ang sa akin naman, may paraan ng pagpapatawad na maaaring gawin ng tao sa nagkasala sa kaniya. Pagpapatawad na hindi kagaya ng ginawang pagpapatawad sa atin ng ating Lumikha dahil tiyak na hindi natin iyon mapapantayan.

Hindi ba't may kasabihan din na may batas ang Diyos na higit pa sa batas ang tao? Kung hindi man mausig ng batas ng tao ang nagkasala sa atin, ang batas ng Diyos ang uusig sa kaniya.

Hindi kayang tiisin ng Diyos na makita ang kaniyang mga anak na mapapahamak ang kaluluwa sa impiyerno dahil sa mga kasalanan na ating ginagawa. Kaya niya tayo iniibig at pinapatawad kahit sino pa man tayo. Walang pinipili at itinatangi ang pag-ibig ng Diyos.

Patatawarin tayo ng Diyos pero kailangang matuto rin tayong magpatawad: “Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa Langit. Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang inyong kapwa, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan.” (Mateo 6:14-15)         

Hinahamon ng Pagbasa ang ating pananampalataya bilang isang Kristiyano na kung totoong nananalig tayo sa Panginoon ay magagawa rin natin na ibigin maging ang kinasusuklaman natin.

Hindi madali ang magpatawad at ibigin ang mga tao na ating kinamumuhian. Ngunit maaari naman natin ipaubaya sa Diyos ang nating galit upang liwanagin niya ang ating isipan. Imposible man at hindi madali ika nga ang magpatawad, pero alalahanin natin na walang imposible sa Panginoon. AMEN.

--FRJ, GMA Integrated News