Maliban sa sex o pakikipagtalik, may iba pang paraan para maisalin ang sakit na Human Immunodeficiency Virus o HIV sa tao. At kabilang dito ang "mother to child transmission." Isa nga ba ito sa mga dahilan kaya tumataas ang bilang ng mga menor de edad na nagpopositibo sa naturang sakit?
Sa “HIV Kids” special report ni Maki Pulido sa “Reporter’s Notebook,” itinampok ang magkapatid na “Christian,” 4-anyos at “Kylie,” 6-anyos, hindi nila tunay na pangalan, na parehong tinamaan ng HIV.
Aabot sa apat na pirasong tableta ng gamot ang kanilang iniinom, na natatanging paraan para pababain ang viral load o HIV sa kanilang katawan.
“Noong una po sinasabi niya lang sa akin, ‘Mama bakit ako umiinom lagi ng gamot, ang dami-dami?’ Sabi ko, ‘Anak pampalakas ‘yan ng resistensiya mo, pampahaba ‘yan ng buhay mo,’” kuwento ni “Maribel,” ina nina Christian at Kylie.
Sinabi ni Maribel na ipinagbubuntis niya ang bunsong anak nang hikayatin siya ng barangay na sumailalim sa HIV test noong 2016.
Ikinagulat ni Maribel ang resulta, dahil wala naman silang nararamdamang sintomas.
“Kapag nagtrabaho, ‘yung pagod. Akala ko roon lang nanggagaling ‘yung lagnat ko, ‘yung ubo, ‘yung antok na antok ka na,” sabi ni Maribel.
Sa tulong ng “Duyan,” isang non-government organization na tumutulong sa mga mag-iinang nagpositibo sa HIV, nasimulan ang gamutan kina Christian at Kylie.
Undetectable na ngayon ang pamilya nina Maribel, o hindi na sila nakahahawa.
Naging dagok din kay Clarisse nang magpositibo ang kaniyang anak sa HIV noong 2021.
Noon mga panahon na iyon, nakararamdam din ng sintomas ang kaniyang asawa, pero hindi matukoy kung ano ang sakit nito. Ayon kay Clarisse, paulit-ulit ang lagnat ng kaniyang asawa, nagkakaroon ng allergy na umabot sa ari nito, at namayat.
Pero dumagdag sa kaniyang bangungot nang magpositibo maging ang kanila noong apat na taong gulang na anak.
“Para akong binagsakan ng tadhana kasi sabi ko sa sarili ko ‘Bakit siya? Bakit hindi na lag ako?’ Kasi napakabata pa niya eh. Parang tinuldukan ‘yung kinabukasan ng anak ko,” sabi ni Clarisse.
Sa edad naman na 16, na-diagnosed si Vincent ng HIV noong 2021.
Itinuturong pinagmulan niya ng sakit ang isang taong nakilala niya sa online dating application.
Isang sex worker si Vincent, na nakikipagtalik sa mga nakikilala sa mga dating applications kapalit ng pera.
“Pangangailangan ko rin po kasi. Ang sabi po kasi nila is mas madali ‘yung pera rito. Hindi ko po alma na may sakit pala na HIV. Wala po akong alam doon,” sabi ni Vincent.
Taong 2021 nang hikayatin si Vincent na magpa-HIV test kapalit ng pagsali sa isang paligsahan, at dito niya natuklasang may dala-dala na siyang sakit.
“Sobra po akong nalungkot din. Nagsisi po ako, sa akin pa po ginawa ‘yun, and bakit ako nagkaganito, nagkasakit ako?”
Hindi agad nasabi ni Vincent ang kaniyang sakit sa mga magulang dahil sa takot. May pangamba rin siyang hindi siya matanggap ng mga tao kapag natuklasan na isa siyang HIV positive.
Tatlo ang paraan para maipasa sa ibang tao ang HIV: Pakikipagtalik, sharing o paggamit ng mga contaminated nang karayom, at mother to child transmission.
Base sa datos ng Department of Health, umabot na sa higit 112,000 ang active cases ng HIV sa bansa.
May 1,292 kumpirmadong kaso ng HIV noon lamang Pebrero 2023. Sa bilang na ito, 645 ang nasa edad 25 hanggang 34 anyos; 373 ang nasa edad 15 hanggang 24; 236 ang nasa edad 35 hanggang 49; 35 ang edad 50 pataas; at dalawa ang edad 15 pababa.
Base rin sa datos noong Pebrero 2023, 1,277 ang nakuha sa sexual contact; dalawa ang mother to child transmission; at 13 ang walang datos.
Patuloy ang mga programa ng Department of Health para malabanan ang misinformation tungkol sa HIV, at mahinto ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga menor de edad na nagpopositibo sa sakit.--FRJ, GMA Integrated News