Ang balut na asin at suka lang ang katapat noon, level-up na dahil sa iniihaw na ito ngayon at nilagyan pa ng mga pampalasa sa ibabaw.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho, makikita ang isang nagtitinda ng grilled balut sa La Loma, Quezon City na nagbibigay pa ng priority number dahil sa dami ng pumipila.
Kuwento ni Mark Lester Mendoza, may-ari ng puwesto ng grilled balut sa La Loma, ginaya niya ang napanood niya sa video na iniihaw ang balot sa Thailand.
Pero sa halip na chili oil ang ilagay sa ibabaw ng inihaw na balot, naisipan ni Mark na iakma ito sa panlasa ng mga Pinoy kaya sweet chili garlic ang kaniyang inilagay.
Sa isang araw, umaabot daw sa 80 trays o halos 2,400 na balut idini-deliver kina Max. Nilalaga nila ang mga balut sa loob ng dalawang oras at saka aalisin ang ibabaw ng balat ng itlog para mailagay ang pampalasa.
Iihawin nila ang balut sa loob ng isa hanggang dalawang minuto sa mahinang baga.
Ang presyo ng bawat grilled balut, P30 lang.
Ang naturang level-up na balut, nagkaroon na iba't ibang bersiyon sa iba't ibang parte ng Pilipinas. Mula sa Dipolog sa Mindanao, hanggang sa Bulacan. Mayroon din sa Camarines Norte, gayundin sa Makati, at pati na sa Tondo sa Maynila.
Ang style ng grilled balut sa Tondo ni Patrick de Guzman, hindi lang isa ang flavour kung hindi apat.
Sa isang araw, nakakabenta raw siya ng 500 hanggang 700 na piraso ng balut at penoy.
Pero paalala ng nutritionist, hinay-hinay sa paglantak ng balut, at dapat ingatan din ang pagluluto nito. Bakit nga ba? Panoorin ang buong nakakatakam na kuwento sa video. --FRJ, GMA Integrated News