Nasawi ang isang punong-barangay sa Jaen, Nueva Ecija matapos siyang pagbabarilin ng mga salarin na nakasakay sa kotse.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Huwebes, lumitaw na batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakikipagkuwentuhan ang punong barangay ng Don Mariano, sa labas ng isang establisimyento kasama ang apat na iba pa, nang tumigil sa tapat nila ang isang kotse at pinagbabaril ang biktima.

Isinugod ang biktima sa ospital pero idineklarang dead on arrival, habang nakatakas naman ang mga salarin.

Kinondena ng lokal na pamahalaan ng Jaen ang krimen at naglaan ng P100,000 pabuya sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon para mahuli ang mga salarin.

Humingi naman ng protesyon sa pulisya ang asosasyon ng barangay sa lugar. Wala pang pahayag ang pulisya at mga kaanak ng biktima. --FRJ, GMA Integrated News