Kinumpirma ni Paolo Contis na hiwalay na sila ni Yen Santos matapos ang ilang buwan na espekulasyon ng netizens.
Inihayag ito ni Paolo sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes nang tanungin siya kung single o taken siya sa segment na "Fast Talk."
Naturang segment, isinagot ni Paolo na "single."
Nagsimula ang haka-haka ng netizens na hiwalay na sila ni Yen nang burahin ng aktres sa Instagram ang birthday greeting niya sa aktor.
Nang unang tanungin si Paolo tungkol sa lagay relasyon nila ni Yen, sinabi ng aktor na nais niya itong panatilihing "private."
Kinalaunan, nag-unfollow na si Paolo kay Yen sa Instagram.
Sa hiwalay na panayam ni Boy Abunda kay Paolo noong Nobyembre 2023, tinanong ang aktor tungkol sa nakikitang closeness nila ni Arra San Agustin na dati niyang co-host sa isang noontime show.
Paliwanag ni Paolo, "maliciously edited" ang kumakalat na video nila noon ni Arra na kinuha mula sa kanilang show.
Dagdag pa ng actor-host noon, "It's a skit, [a love] triangle ni Arra, ako and tsaka ni Candy, played by Betong, and they just keep posting the Arra side of it."
Sa naturang panayam, "yes" ang sinagot ng aktor kung sila pa ba ni Yen nang panahong iyon.
BASAHIN: Paolo Contis, sinagot ang tanong tungkol kina Arra San Agustin at Yen Santos
Enero 2023 nang kumpirmahin ni Paolo ang relasyon nila ni Yen. Pero nilinaw ng aktor na hindi si Yen ang dahilan kung bakit sila naghiwalay ng dati niyang partner na si LJ Reyes.
BASAHIN: Paolo Contis, inihayag kung bakit siya na-in love kay Yen Santos
Agosto 2021 naman nang kumpirmahin ni LJ na hiwalay na sila ni Paolo, at kasunod nito ay bumiyahe na ang aktres pa-US kasama ang kaniyang mga anak -- kabilang ang anak nila ni Paolo na si Summer.
Nitong Oktubre 2023, ikinasal si LJ sa kaniyang non-showbiz boyfriend na si Philip Evangelista sa Amerika.
—FRJ, GMA Integrated News